Advertisers
ITO ang galit na pahayag ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Rommel Francisco Marbil, sa apat na pulis na naaresto bunsod ng pagkakasangkot sa pagdukot sa apat na dayuhan noong Hunyo 2 sa Pasay City.
Ayon kay Marbil, dismayado siya sa ganitong gawain ng ilang pulis sa kabila ng mga suporta at benepisyo na ibinibigay ng pamahalaan sa organisasyon.
Batay sa rekord, sina Major Carlo Villanueva, Senior Master Sergeant Angelito David, Master Sergeant Ricky Tabora at Staff Sergeant Ralph Tumangil ang mga itinuturong dumukot sa kina Meng Zhao, 29; at Yang Zhuan Zhuan, 30, kapwa Chinese; at Shi Yi Xuan, 32; at Tang Heng Fei, 25, na sinasabing kapwa nakatakas.
Pinalaya sina Zhao, Zhuan at Xuan matapos makapagbigay ng P2.5 milyon ransom. Nabatid na 10 “John Does” pa ang pinaghahanap.
Ani Marbil, tila hindi nakikita ng mga pulis ang kanilang kinabukasan at kinabukasan ng kanilang pamilya. Life imprisonment aniya ang hatol sa mga mapapatunayan sa kaso.
“We are not happy na involved ‘yung police. Hindi na natuto ‘tong mga ito. Hindi nila nakita na this is life imprisonment,” ani Marbil.
Giit ni Marbil, hindi niya hahayaan na sisirain ng iilang pulis ang imahe ng PNP at sa halip ay handa silang tanggalin sa serbisyo ang mga mapapatunayang sangkot sa iba’t ibang iligal na gawain.
Sinampahan ng kasong kidnapping for ransom, robbery at carnapping ang mga pulis.