Advertisers
Sinilbihan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng subpoena ang isang Chinese company na inireklamo sa pagbebenta ng umano’y counterfeit na part ng sasakyan at paggamit ng logo ng Japanese company na ginayahan nila ng produkto.
Inahinan ng subpoena ang kumpanyang Jiangsu Hulhong Machinery Manufacturing Company, Limited habang lumalahok sa exhibit ng mga luxury cars at car parts sa world trade center sa Pasay city.
Ayon kay Rodolfo Ignacio Jr., Executive Director ng NBI Intellectual Property Rights Division, na inireklamo ang Chinese company ng Japanese firm na Sankei 555.
Ginaya umano ng Chinese firm ang Japan-made na Ball Joint, na isang mahalagang parte ng sasakyan at ginaya rin ang logo ng Japanese firm na Sankei 555, na rehistrado sa Intellectual Property Office of the Philippines.
Tinanggap ang subpoena ng NBI ng kinatawan ng Chinese firm na nagulantang nang lapitan ng mga taga NBI habang nasa car exhibit.
Sinabi ni Ignacio na inaaksyunan ng NBI ang ganitong reklamo dahil maaring magdulot ng panganib sa publiko ang counterfeit o pekeng produkto gaya ng spare parts para sa mga sasakyan.
Nahaharap ang Jiangsu sa reklamong paglabag sa Intellectual Property Code dahil sa trade mark infringement at unfair competition, na may parusang dalawa hanggang limang taon na pagkakabilanggo.
Sa kabila naman ng reklamo, sinabi ni Ignacio na hindi pa mapatitigil ang Chinese firm sa paglahok sa exhbit at pagbebenta ng umano’y counterfeit na produkto dahil wala pang utos mula sa korte.
Habang nasa exhibit, ininspeksyon na rin ng NBI ang produkto at logo ng isa pang Chinese firm na lumalahok din sa exhibit at hinihinala rin nagka- counterfeit dahil ang posters nito nakadikit sa exhibition booth ng Jiangsu.
Karamihan ng lumalahok sa exhibit ng luxury cars at parts mga Chinese at Chinese companies.