Advertisers
IPINATIGIL muna ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang anumang kontruksyon o bayarin sa itinatayong bagong Senate building sa Fort Bonifacio, Taguig City.
“Una, hindi totoo na makakalipat tayo sa bagong gusali, lupa’t at building ng Setyembre. Hindi rin totoo na aabot tayong makalipat bago matapos ang taon. Kahit hanggang 2025 sa palagay ko’y hindi pa rin dahil marami pang bagay na kailangan ihanda at maraming bagay rin na aming nakita at nagisnan na kailangan pang suriin at pag-aralan,” wika ni Escudero sa kanyang talumpati sa flag ceremony sa Senado.
Sa isang panayam, ibinahagi din ni Escudero na mabigat at nagulat siya sa P23-bilyong alokasyon para sa pagtatayo ng bagong tahanan ng Senado, na aniya ay na-bid lamang sa halagang P8.9 bilyon.
“Nao-OA-an lang ako, nakakagulat at masama sa panlasa na gagastos nang ganito kalaki ang Senado para sa aming magiging bagong tahanan at opisina… Nais kong tingnan muna at suriin muna ito nang husto kung talaga bang nararapat, angkop at kung papaano ito mapababa dahil tiyak ko hindi rin maganda sa panlasa ito ng marami sa ating mga kababayan,” ayon pa kay Escudero.
Bunsod nito, inatasan niya si Sen. Alan Peter Cayetano, chairman ng Senate Committee on Accounts, na suriin at pag-aralan kung tama ba ang gastusin at kung may paraan pa upang mapababa ito.
Aniya, titignan at susuriin din nila ang mga pagkakamali na nararanasan ng bawat empleyado ng Senado ngayon upang maiwasan ng maranasan sa paglipat sa bagong gusali.
Nilinaw ni Escudero na ito ay isang pagsusuri lamang ng Committee on Accounts at hindi isang pagsisiyasat kasabay ng pagbibigay-diin na hindi siya nag-aakusa nang sinuman.
“‘Yung naunang inaprubahang budget ay P8.9 [billion]. ‘Di namin alam kung bakit ito lumobo, nung una P13 [billion] at ngayon nga P23 [billion],” punto ng pangulo ng Senado.
“Wala akong nakitang irregularity. Nagulantang lamang ako sa halaga. Di ba kagula-gulantang ang P13 bilyon? Edi mas nakakagulantang ang P23 [billion] para sa isang opisina lamang,” ani Escudero kung saan binanggit na ang alokasyon ay maaaring kapareho ng halaga sa mga “marangyang” gusali sa Makati o Bonifacio Global City. (Mylene Alfonso)