Advertisers
Tinuran ng peasant group na Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na malamya, walang tapang at tiyak na walang mapapanagot ang nagiging takbo ng ginagawang imbestigasyon ng House of Representatives kaugnay sa naging pinsala ng bagyong Ulysses sa Cagayan at Isabela dahil nakatuon lamang ito ginawang pagpapakawala ng tubig ng mga dams at walang pag-iimbestiga sa illegal mining at illegal logging.
Ang pahayag ay ginawa ng grupo bilang reaksyon sa naging pahayag ni House Speaker Lord Allan Velasco na climate change at ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam ang siyang sanhi ng massive flood sa Cagayan at Isabela kaya naman ang rerebyuhin ng Kamara ang dam protocols upang hindi na maulit ang mapansilang baha gaya ng dinulot ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay KMP President Danilo Ramos ang mahalagang dapat na imbestigahan ng Kamara ang logging sa mga bundok ng Cagayan at Isabela at ang mapanirang mining na sanhi ng pagbaha, aniya, welcome development sa kanila ang House Inquiry na ginagawa ng Kamara ngunit nakalulungkot na hindi naman nito kayang banggain ang mga malalaking contractor at malalaking tao na nasa likod ng illegal mining at logging.
Sa joint investigation ng House Committee on Agriculture and Food at Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle sinabi ni Velasco ang pagpapawala ng tubig ang nagpalala ng sitwasyon sa Cagayan at Isabela sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ulysses na sinang-ayunan din ni House Deputy Majority Leader Bernadette Herrera na nagsabing 2006 pa ang dam protocol na sinunusud na hindi na akma sa panahon.
Subalit pinabulaanan ito National Irrigation Administration (NIA) head Ricardo Visaya, aniya, hindi ang pagbubukas ng gates ng Magat dam ang ugat ng matinding pagbaha sa Cagayan at Isabela kundi ang malawakang illegal logging, mining at quarrying activities sa lugar.
Batay sa isang matrix na ipinakita ni Visaya ay mula November 9 hanggang 14 noong kasagsagan ng bagyo, ang peak water inflow ng Magat Dam ay 7,128 cubic meters per second pero naglalabas lamang ang dam ng 6,706 cubic meters per second, pagpapatunay na hindi ang pagbubukas ng water gate ng dam ang ugat ng matinding pagbaha.
Sinabi ng KMP na maituturing na moro-moro lamang ang imbestigasyon ng Kamara kung hindi nito sasakupin sa kanilang House Inquiry ang tunay na problema sa mining kabilang na ang black sand mining na talamak sa Cagayan at ang talamak na legal at illegal logging na may permiso pa mismo ng lokal na pamahalaan.
Minaliit din ng KMP ang naging pahayag ni Isabela Governor Rodito Albano at Vice Gov. Faustino Dy III na wala nang mining operations at illegal logging sa lalawigan, anila, mismong mga residente ang makapagpapatunay na talamak pa din ang ganitong illegal na aktibidad at hindi pa rin ito nagbago.
Kahapon ipinag-utos ni Interior Secretary Eduardo Año ang crackdown sa illegal logging at illegal quarrying kasunud ng naranasang malawakang pagbaha sa bagyong Ulysses.
Partikular na pinakikilos ni Año ang LGUs at Philippine National Police (PNP) na bantayan ang ganitong illegal na aktibidad kasabay ng pagbabanta nito sa mga tiwaling local government officials na sangkot sa illegal logging at illegal quarrying sa kanilang lugar na tutukuyin at kakasuhan ang mga ito.