Advertisers
ISA na namang instagrammable spot na ligtas, maliwanag at night-time walking area para sa mga pedestrians ang binuksan nina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna sa Manila City Hall Freedom Triangle.
Kasama ng dalawang pangunahing opisyal ng lungsod sina assistant secretary to the mayor Letlet Zarcal, city engineer Armand Andres, city electrician Randy Sadac, department of public services chief Kenneth Amurao, special mayor’s reaction team chief Maj. Jhun Ibay at tourism chief Charlie Dungo sa ginawang pagpapailaw sa harapan ng Manila City Hall na nasa pagitan ng Taft Avenue at Arroceros Street na siya ring main entrance ng City Hall.
Pinuri ni Moreno sina Andres at Sadac sa maganda nitong trabaho at sinabing ang bagong lighting effects ang magbibigay ng ibayong pansin sa art deco at sa ganda ng arkitektura ng gusali na babati sa mga motorista patungo sa hilagang bahagi, gayundin sa mga naglalakad sa lugar.
Maliban sa mga salitang ‘CITY HALL’ at ‘ERECTED 1939’ sa ilalim, matatagpuan din sa lugar ang monumento ng dating Mayor Arsenio Lacson kung saan mayrooong marker na naglalarawan sa kanya at sa makasaysayang tagdan.
Ayon kay Andres, sa utos ni Moreno, ang harapan ng City Hall ay pinailawan upang lalong mabigyang pansin ang newly-rehabilitated tower clock. Ito ay pininturahan din nang walang ginastos ang lungsod.
Ayon kay Sadac ang LED lights at LED wallwashers ang ginamit sa harapan ng City Hall habang sa paligid naman LED floodlights ang ginamit.
Ang uri ng pagpapailaw sa harapan ng City Hall ay maikukumpara sa ginagawa sa Paris, sinabi pa ni Moreno na walang mag-aakalang gaganda ng ganitong klase ang lugar at magiging ‘instagrammable,’ sa pamamagitan ng tamang ilaw.
“Pareho lang sa Europe… meron silang technique…iniilawan sa gabi para lumabas ang art deco. Luma pa rin pero me character and it speaks of history at ang architectural heritage, nade-depict sa ordinaryong tao,”pahayag ni Moreno na idinagdag din na ang nga lakaran sa tabi ng City Hall ay napakaliwanag na rin.
“Maaliwalas na ang lakaran di na kailangang lumakad sa Lawton.. di na malalagay sa alanganin ang mga tao pag gabi. Ang tao nung araw takot maglakad dito dahil sa holdup. Ngayon wala nang magbabalak sa dami ng camera dito. Binigyan natin sila ng espasyo para maglakad sa loob na protected… dire-diretso baba sa underpass,” ayon pa kay Moreno.
Idinagdag pa nito na: “Sa Paris nagpa-papicture tayo sa mga building. Ganyan itsura sa Paris eh akala mo ang ganda .. tamang ilaw lang me science sa ilaw sa kalye, ilaw sa building.”
Sinabi rin ni Moreno na ang mga logos sa labas na pader ng gusali ay may mga kahulugan na hinahangaan at maaring pag-aralan ng mga batang arkitekto. (ANDI GARCIA)