Advertisers
ISASAILALIM sa pagpapaganda ang makasaysayang Plaza Miranda sa Quiapo at inaasahang masisilayan na ang bagong anyo nito eksakto sa Kapaskuhan, ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno.
Ayon kay Moreno, ang gagawing makeover sa nasabing plaza ay nag-ugat sa kahilingan ng napakaraming netizen na kumuha ng larawan ng Plaza Miranda at umapela na ito ay pagandahin.
Inatasan ni Moreno ang Parks and Recreation Bureau sa ilalim ni Pio Morabe na pangunahan ang pagbabago at pagpapaganda sa makasaysayang lugar, kasabay ng kanyang apela sa mga vendors na gawing madali ang trabaho para sa mga kawani ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay daan sa mga nagtatrabahong kawani.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Moreno na nang huling siyasatin ni Morabe at ng kanyang mga tauhan, ang plaza at ang mga istruktura sa koordinasyon ng tanggapan ni city engineer Armand Andres ay nananatiling itong matatag at ang tanging naging sira lamang nito ay sa panlabas. Ang Plaza Miranda ay pinasinayaan noong 1961.
Nabatid na pinakilos na ni Morabe ang mga kawani ng PRB upang muling pinturahan ang buong lugar kabilang na ang mga poste, haligi at columns.
Ang tanggapan naman ni Andres ang siyang maglalagay at magkukumpuni ng fanaflex roofing sa loob na bahagi ng Plaza at siya ring magsasagawa ng pagkukumpuni ng sahig.
Plano rin ni Morabe na buhayin ang mga halaman sa itaas na bahagi ng istruktura ng plaza pero aabutin ng isang buwan ang full rehabilitation nito. Ang rehabilitation ay nagsimula na noong noong Miyerkules ng isang linggo.
Sa sukat na 5,358 square meters at kapasidad na mahigit 16,000 tao sa kahit na anong oras, ang Plaza Miranda ay paboritong lugar ng malalaking pampublikong gawain.
Matatagpuan sa plaza ang makasaysayang palatandaan, isang mataas na obelisk na gawa sa marmol, isang babaeng nakataas ang kamay habang may hawak na sulo na sumasagisag sa kalayaan. Dalawang haligi sa magkabila ng obelisk at sa itaas nito ay mga urna na gawa mula sa alloy na pinagsamang bakal at tanso. Ang nasabing urna ay nagsisilbing ding kaldero na paglalagyan ng gas na maaring sindihan para sa isang espesyal na okasyon.
Napapaligiran ng Quiapo Church, Quezon Boulevard, Hidalgo at Evangelista Streets, ang plaza ay may sahig na gawa sa granite tiles at napapalibutan ng arkitektura na may disenyong Neo-Gothic na hango mula sa arkitektura ng Minor Basilica o Quiapo Church. (ANDI GARCIA)