Advertisers
Limang bala ang tumama sa isang service van ng Bangsamoro Board of Investment (BBOI) na naipit sa naganap na pag-ambush sa isang barangay chairman sa Barangay Linek sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Miyerkules, July 10, 2024.
Sa ulat, si Dodie Sinsuat, chairman ng Barangak Badak sa Datu Odin Sinsuat ang target ng pananambang at nataon lang na padaan din ang sasakyan ng BBOI na may sakay na walong empleyado na magsasagawa sana ng inspection ng mga malalaking mga negosyo na umusbong sa mga beachfront areas sa ilang barangay sa naturang bayan nitong nakalipas na mga taon.
Nakaligtas si Chairman Sinsuat sa naturang ambush na kagagawan diumano ng kanyang mga nakagalit kaugnay ng kanilang mga law-enforcement activities katuwang ang pulisya at ang military.
Limang butas at na-flat pa ang kaliwang unahang gulong ng van ng BBOI sanhi ng tama ng mga bala.
Nagpasalamat nitong Huwebes, July 11, 2024, si BBOI Chairman Mohammad Omar Pasigan sa local government unit ng Datu Odin Sinsuat at sa mga kasapi ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station sa agarang pagbigay ng proteksyon sa walong mga kawani ng kanilang ahensya at pagmanman sa kanilang na-damage na sasakyan hanggang sa maiuwi ito sa Cotabato City na siyang kabisera ng Bangsamoro region.