Advertisers
KILALANG maimpluwensyang personalidad sa Malacañang na “super bagyo” sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang “pamato” ng smuggling at “buriki” lord na dating Duterte diehard supporter (DDS) na si “Dondon Alahas” kasama ang mga kapwa niya ilegalistang sina Agojo alyas “CJ Pilar”, at isa ring DDS Police colonel sa kanilang oil smuggling, ayon sa Anti-Crime and Vice Group sa Region 4A.
Ito ang dahilan kung kaya’t lantaran man ang smuggling ng agri/petroleum products at buriki operation ng tubong Cebu na si Alahas ay hindi ito tinitinag nina PNP chief Rommel Francisco Marbil, Bureau of Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, at maging ng bagong National Bureau Investigation (NBI) Director retired Judge Jaime Santiago.
Lingguhan ang pagpaparating ni Alahas ng mga kontrabandong petrolyo mula sa China at Malaysia at agri-products tulad ng sibuyas lulan ng mga barko o barge na umaangkorahe sa Batangas City Bay. Sa hudyat ng kasabwat na ilang korap na BOC at port officials sa mga tripulante ng naturang vessel ay dumadaong sa pantalan ang sasakyang dagat at hinahakot sa dakong gabi ang mga kontrabando ng mga tanker at cargo truck na pag-aari ng sindikato. Ipinadi-deliver ang mga ito ni Alahas sa kanilang mga buyer sa iba’t ibang bahagi ng CALABARZON at Luzon.
Anim na negosyante sa Batangas City, ilan sa mga ito ay Chinese mestizo, ang kabilang sa mga kasabwat ni Alahas sa smuggling operation sa Batangas City Pier; San Juan, Batangas; at Sariaya, Quezon. Ang mga naturang negosyante ay kilala ring sangkot sa kalakalan ng droga at nakabilang sa Duterte Administration drug watch list. Pinaniniwalaan ng MKKB na si Alahas ay may ka-wing din sa illegal drug business.
Liban sa pagpupuslit ng imported na krudo, gasolina at sibuyas, si Alahas ay nag-iimbak din ng smuggled petro products kasama ang mga binibiling nakaw na produktong petrolyo sa mga kakutsabang tanker at capsule trucks sa inuupahang lote sa likod lamang ng bahay ni Barangay Aguila chairman Felix Gutierrez, sa bayan ni San Jose Mayor Bien Patron.
Pulidong kumilos ang smuggling at buriki operations ni Alahas simula pa sa panahon ni ex-President Digong Duterte, ka-sabwat ang isang BOC top official. Sa laki ng lingguhang pa-yola nito ay nakuha ang proteksyon ng maraming government law enforcement units tulad ng PNP, NBI, local at national government officials.
Nagka-aberya lamang ang operasyon ni Alahas nang ni-raid ng NBI ang kuta nito sa Brgy. Aguila noong 2023, ngunit sa “milyones na kadahilanan” ay hindi nakasuhan at muling nakapag-operate si Aalahas ng kanyang ilegal na mga aktibidades.
Ang nakakadismaya, ayon pa sa MKKB, ay may mga bodyguard pa itong pulis, na mahigpit na ipinagbabawal ngayon ni General Marbil.
BURIKI/SMUGGLING
NI AGOJO SA SAN PASCUAL, BATANGAS
Kinondena naman ng mga miyembro ng MKKB ang nadiskubreng pakikipag-inuman sa San Pascual Municipal Police Office ng kilalang smuggler at buriki operator na si Agojo alyas “CJ” na basta na lamang sumulpot sa Batangas pagkaupo sa pwesto ni Batangas PNP Director, Colonel Jacinto “Jack” Malinao Jr.
Si Agojo, kilalang kaanak ng drug convict inmate ng National Bilibid Penitentiary sa Muntinlupa City, ay may burikian o paihian ng gasolina at krudo pati na ang pasingawan na liquefied petroleum product (LPG) sa kahabaan ng Brgy. Banaba Bypass Road, sa bayan ni San Pascual Mayor Antonio Dimayuga.
Nag-iimbak din ang grupo nito sa inuupahang lote na burikian ng mga imported na petrolyo at iba pang produkto matapos diskargahin sa Batangas City Pier.
Tutol man ang mga residente sa pagkakaroon ng burikian/paihian sa kanilang lugar ay wala ang mga itong magawa upang pigilan ang delikado at ilegal na hanapbuhay ni Agojo at ng mga kasosyo nitong sina Delson alyas “Etring” at “Efren” sapagkat ang nasusunod din ay ang kagustuhan ng ilang protektor na pulis, barangay at municipal officials.
Ipinagyayabang ng tatlo na tulad ni Dondon Alahas, Agojo, alyas Etring at Efren ay may basbas din sila ng maimpluwensyang “Malacañang Lady” kaya hindi sila masaling ng mga operatiba ni Col. Malinao Jr., at ni San Pascual Police chief Major Rick Fornolles.
Ang Malacañang Lady din ang bukambibig ng Visayas-based na Police Colonel, na bagama’t nakatakda nang i-promote sa panahon ng administrasyon ng amo nitong si Digong ay pinili pang manatiling isang colonel upang huwag mabitawan ang pwesto nito sa PNP Region 4A, at pamunuan ang sindikato ng buriki at smuggling ng petro products, na lantaran ang pagpapaburiki o pagnanakaw ng mga produktong petrolyo sa lote ng Chinese mestizo na si Tan, malapit lamang sa main gate ng Batangas City Pier sa Brgy. Sta Clara.
Ang naturan ding Colonel, ang kanang kamay at hitman nitong pekeng police Sgt. Buloy ang nagpapatakbo ng operasyon ng higit sa 500 unit ng colorum van at illegal terminal sa Batangas City Pier, na nasa loob mismo ng pier compound sa tabi ng mga tanggapan ni Bureau of Customs (BOC) District Collector Atty Ma. Rhea Gregorio, at ng Philippine Coast Guard sa Brgy. Sta. Clara.
Nirerentahan ng libu-libong halaga ng naturang police colonel at Sgt. Buloy ang kabuuan ng pier parking area gamit sa pag-aantay ng mga colorum van sa mga pasaherong lulan ng barko mula sa Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan (MIMAROPA) at sa iba’t ibang parte ng Kabisayaan.
Simula pa 2019 ay nagpapakolekta na ng P800 na “butaw” kada biyahe sa mga colorum van driver ang Police Colonel at si Sgt. Buloy.
Kapalit ng milyones na “butaw” nina Colonel at Sgt. Buloy sa mga colorum van driver ay ang proteksyon, malaya at walang bulabog na biyahe mula sa mga traffic at law enforcing authorities tulad ng PNP Highway Patrol Group, LTO at LTFRB Law Enforcement Officer sa buong CALABARZON area, Metro Manila at iba pang rehiyon.
Kinokolekta ng isang alyas “Randy Playboy” ang kaparteng “butaw” o protection money para sa pangalan ng LTO at LTFRB, samantalang ang notoryus na “kapustahan” (police tong collector) na isang alyas Sgt. Adlawan, na lider ng inorganisang tong collector group, ng isang alyas Maklang at Wano sa Camp Crame ang kumukubra ng lingguhang payola para sa Batangas PNP Provincial Police Office, PNP/HPG, CIDG Regional at Provincial Field Unit, National Bureau of Investigation (NBI), LTO, LTFRB at maging para sa opisina ni Gen. Marbil. (CRIS IBON)