Advertisers
Nasawi ang isang barangay tanod nang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang natutulog ito sa loob ng barangay patrol sa Antipolo City, Rizal noong Sabado.
Kinilala ang biktima na si Jomel Aguanta, tanod sa Barangay Sta. Cruz sa lungsod.
Ayon sa report, kasama ang biktima sa grupo ng mga barangay tanod na nagsagawa ng clearing operation laban sa mga ilegal na istruktura na sagabal sa mga bangketa sa Olalia Road sa kanilang lugar 3:30 nang madaling araw noong Sabado.
Dahil sa pagod, nagpasya ang biktima na matulog muna sa kanilang service vehicle.
Nang nakahiga at natutulog na ang biktima, lumapit ang gunman at malapitan itong pinutukan gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Mabilis din tumakas ang salarin matapos ang krimen na ayon sa mga nakasaksi na nakasuot ng itim na jacket at may dalang sling bag.
Isinugod sa ospital ang biktima pero idineklara itong dead on arrival ng doktor.
Nabatid mula sa rekord ng barangay na nakatanggap ito ng banta sa kanyang buhay dalawang Linggo bago nangyari ang insidente.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente.