Advertisers
SUMIKLAB ang tensyon sa dalawang grupo ng Homeowners nang magkagirian at magkasakitan ang ilang guwardya at mga supporters matapos na isilbi ang ipinalabas na Writ of Execution ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) na nilagdaan ni Atty. Norman Jacinto Doral na nagsasaad na kinikilala ang grupo ni Arnel Gacutan na pamunuan ang Multinational Village Homeowners Association Inc.,sa lungsod ng Paranaque.
Sa naturang kaguluhan sa Main Gate ng eksklusibong subdibisyon, kinuwestyon ng grupo ni Gacutan na tila nawalan ng saysay o silbi ang ipinalabas na Writ of Execution ng DHSUD dahil hindi ito naipatupad ng maayos sa tulong ng kapulisan.
Nabatid na ipinag-uutos sa grupo ni Julio Templonuevo, President ng MVHAI ang pagsurender sa mga records ng asasyon katulad ng libro , records ng pondo mga properties na pag-aari at Iba pang assets ng asosasyon.
Bagamat naisilbi ni DHSUD -NCR Enforcement Officer Santiago Undecimo, Jr sa grupo ni Templonuevo writ of execution ay binalewala umano nila bagkus ay tuluyang nagmatigas na manatili sa tanggapan ng Homeowner Association.
Bunga nito, nagkaroon ng bahagyang tensyon sa pagsisilbi ng writ kung saan ay nagkapalitan ng salita ang dalawang kampo na humantong sa sakitan sa pagitan ng mga guwardiya na nasa hurisdiksyon ni Templonuevo at sa grupo ni Gacutan
Ngunit nagtataka naman ang grupo ni Gacutan na sa kabilang ng nagaganap na komosyon at gulo ay walang ginagawang aksyon ang kapulisan at hindi man lamang magawang maka-aresto.
Kaugnay nito nanawagan ang kampo ni Gacutan sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na kumilos na upang maipatupad ang writ of execution at paalisin na sa pwesto si Templonuevo.
Giit pa ni Gacutan, na tila walang saysay ang kanilang hininging tulong sa PNP dahil hindi ito kumilos upang tuluyan na nilang mai-take over ang club house ng multinational village lalo nat mayroon nang finality ang desisyon ng Korte Suprema kasunod ng entry of judgement.
Humingi din ng paumanhin si Gacutan sa mga mamamayan ng komunidad sa patuloy na kaguluhang nililikha ng kabilang grupo. (JOJO SADIWA with Photos by: CESAR MORALES)