P9.6-B NEW PASIG CITY HALL COMPLEX PROJECT SINISILIP
Advertisers
BUNSOD ng labis na pagkabahala sa umano’y sobrang mahal na presyuhan ng itatayong modernong City Hall facility na umabot sa mahigit P9.6-bilyon ay nanawagan ang isang kilalang negosyante sa lungsod kay Mayor Vico Sotto na irekonsidera ang pagtatayo ng magarbong mga gusali at sa halip ay gamitin na lamang ang pera ng taumbayan sa mga karagdagang serbisyong higit na kailangan ng Pasigueños.
Sa kanyang bukas na liham kay Sotto na may petsang Hulyo 23, 2024 ay binigyang-diin ni Curlee Discaya, may-ari ng St. Gerrard Charity Foundation, na higit na kailangan ng Pasigueños ang karagdagang pondo para sa health care program, ayudang pangedukasyon sa mga mag-aaral, ‘gaya ng schools supplies at upgraded learning tools at soft loans assistance para sa maliliit na negosyante ng lungsod kaysa magarbong mga gusaling sisilungan ng mga lingkod-bayan ng lokal na pamahalaan.
“Naniniwala po ba kayo na kailangan talaga ng mga Pasigueño ang mahigit na siyam na bilyon-pisong halaga na bagong City Hall complex?” tanong ni Discaya sa kanyang sulat sa alkalde.
Bilang matagumpay na kontraktor na pinanday ng mahabang karanasan ay inilahad ni Discaya na kahit one third sa mahigit P9 billion, o P3,207,700,051, ay sobra pa rin upang makapagpatapos ng moderno at magarbong mga gusali ng City Hall.
“Ang pondo para sa nabanggit na mga pangangailangan ng Pasigueños para sa health care, edukasyon ng mga bata, at tulong pangkabuhayan ng mga kwalipikadong pamilya ay hindi po naman magiging hadlang sa pangarap ninyo na isang magarbong City Hall complex,” ani Discaya.
Kanyang sinabi sa alkalde na siya’y nanlumo nang matuklasan ang umano’y napakataas na presyo sa itatayong proyekto.
“Taliwas sa normal na presyuhan ang P9,623,100,154.64 na alokasyon para sa 46,000 metro kwadradong proyekto na lalabas ay eksaktong P209,197 ang halaga ng bawat metro kwadrado,” himutok ni Discaya, na may kasanayang magtaya ng construction cost ng malalaking istruktura bilang lisensiyadong quadruple contractor.
“Batid po ng lahat na nagpapatayo ng malaking gusali, arkitekto man o engineer, na hindi hihigit sa pitumpong-libong piso (P70,000) kada metro kwadrado ang cost of construction ng gusali kahit pa ang mga gamit dito ay ang mga magagarbo at de-kalidad na uri ng materyales,” diin ni Discaya.
Sa kanyang liham sa alkalde ay inalok nya ang paggawa ng preliminary and detailed engineering design na hindi tatanggap ng bayad ang kanyang construction company. “Sa katunayan ay nakahanda ang aming kompanya na igawa ang pamahalaang lokal ng detailed engineering design para sa moderno at magarbo pa ring City Hall complex na wala po kaming tatanggaping bayad, sa halip ay ang mahigit P855-M na pambayad po para sa nasabing disenyo ay atin pong i-donate na dagdag sa pondong pampagawa ng kahit tatlo pang ospital,” ani Discaya.
“Sa sinabi ko pong nakakapanlumo ang sobrang mataas na total price na P9,623,100,154.64 nitong sampung items ng proyekto para sa design and build services ay ang Pasigueños na po ang may husga kung nagmalabis po ako sa pagtaya,” dagdag na pahayag ni Discaya:
1. PRELIMINARY and DETAILED ENGINEERING DESIGN <> P855,386,656.35
2. DEMOLITION WORKS <> P268,42,654.84
3. ARCHITECTURAL WORKS <> P1,502,955,012.52
4. STRUCTURAL WORKS <> P2,198,209,369.91
5. ELECTRICAL SYSTEMS WORKS <> P1,078,514,374.21
6. MECHANICAL WORKS <> P984,324,332.68
7. PLUMBING and SANITARY WORKS <> P110,917,086.90
8. INTERIOR FIT-OUT <> P1,110,144,035.71
9. INFORMATION TECHNOLOGY SYSTEM WORKS <> P1,242,966,011.06
10. LANDSCAPE OPEN SPACE <> P271,261,601.45
Noong Hunyo 2, 2023 ay inanunsiyo ni Sotto sa okasyon ng 450th founding anniversary ng lungsod ang pagpapatayo ng bagong City Hall complex, na ayon sa alkalde ay bahagi ng sampung taon na comprehensive plan ng lungsod na lampas naman sa kanyang siyam na taon para sa tatlong taon na term limit.
Kanyang sinabi na ang naunang mungkahi ay retrofitting lamang sana ng mga lumang gusali ng City Hall, pero inayawan umano ito ng ilang structural experts kasi sobrang mahal ang presyo ng reconstruction works.
Sinabi pa ng alkalde noong Mayo 21, 2024 na ang halagang P9.6 bilyon na inaprubahan ng pamahalaang lokal para sa konstruksiyon ng pinakamalaking proyekto ng lungsod ay hindi pa final at pwede pang bumaba ang contract price depende sa mananalong bid offer.
Pero makaraan ang tatlong araw (Mayo 24, 2024) ay ini-award na umano ng gobyerno local ng Pasig sa nanalong bidder na Philjaya ang pagpapagawa ng City Hall complex sa halagang P9.623 bilyon. Ang mga natalong bidder, ayon sa report, ay R2 Builder, China Construction, LAP Global at Grace Construction.