Advertisers
MAKIISA sa pagsasakatuparan ng ‘Bagong Pilipinas’.
Ito ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamunuan ng Iglesia Ni Cristo (INC) matapos maglabas ng mensahe para sa ika-110 anibersaryo ng religious group nitong Sabado, Hulyo 27.
Hinimok niya ang INC na maging instrumento ng pagbabago sa lipunan, sa bawat hakbang ng kabutihan at malasakit habang umaasa rin itong patuloy na magiging inspirasyon ang religious group hindi lamang sa komunidad, kundi sa buong bansa.
Ang walang-sawang paglilingkod aniya ng INC ay nagpapakita ng pagkakaisa, pag-unlad, at mas malalim na pang-unawa.
Kasabay nito, hinimok din ni Pangulong Marcos ang mga taga-INC na higit pang pagtibayin ang pananalig at pagmamahal sa Panginoon at sa kapwa.
Ipinunto ng Presidente na umaasa siyang higit pang titibay ang pagkakaisa ng sekta sa pananalangin at pagkilos tungo sa katuparan ng mga layunin at mithiin nito para sa iglesia at sa sa buong sambayanang Pilipino.
Bukod dito, umaasa rin si PBBM na patuloy na lalago at tatatag ang nasabing religious institution sa susunod pang mga taon. (Gilbert Perdez)