Advertisers
HANGAD ni Manila Mayor Isko Moreno na tularan, pamarisan at isapuso ng lahat ng mga kabataan at residente ng lungsod ang aral ng bayaning si Gat Andres Bonifacio.
Pinangunahan ni Moreno ang paggunita sa ika-157 Kaarawan ni Bonifacio sa Kartilya ng Katipunan, Bonifacio Shrine kasama si Vice Mayor Honey Lacuna at miyembro ng Manila City Council.
“Sana’y maging takdang-aral ang mga ibinilin ng mga bayani katulad ni Gat Andres Bonifacio. Ang pagmamahal sa bayan at sa kapwa,” ayon kay Moreno.
“Kung talagang mahal natin ang bansa, dito niyo ipakita sa panahon ngayon. Dito natin ipakita ang pagiging makabayan, tayo sa kanya-kanyang field of undertaking, sa kanya-kanyang obligasyon, sumipol tayo, galingan natin,” dagdag pa ni Moreno.
Nanawagan din ang alkalde sa mga kabataan na maging aktibo, mapagmasid at mapagsiyasat sa mga isyu ng lipunan.
Gayundin, pinaalalahanan ni Moreno ang mga kabataan na hindi kailangan maging marahas at hindi kailangan gumamit ng dahas at labanan ang kapwa Pilipino.
“Hangga’t ako ang alkalde sa lungsod, mananatili itong (Bonifacio Shrine) malinis, maayos, at pipilitin namin ipaalala sa mga kabataan na may tamang pagmamahal, may tamang pamamaraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa bayan,” ani pa Moreno.
Gumamit umano ng dahas ang mga ninuno laban sa mga mananakop na hindi natin kalahi.
“Tulad ng sinabi ng ating bayani, ‘ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan,’” giit pa ni Moreno. (Andi Garcia)