Advertisers

Advertisers

Ricky Gumera palaban sa hubaran sa ‘Anak ng Macho Dancer’

0 2,081

Advertisers

Ni NONIE V. NICASIO
IBANG klase ang determinasyon at pagiging palaban ng newcomer na si Ricky Gumera. 
Ang guwapitong newbie actor ay isa sa tampok sa pelikulang Anak ng Macho Dancer na pinagbibidahan ni Sean de Guzman at mula sa pamamahala ng premyadong director na si Joel Lamangan.

Si Ricky ang itinuturing na bagong Totoy Mola, na itinanghal bilang Mister Global Philippines 2019. Unang pelikula niya ang Anak ng Macho Dancer na mapaghamon ang kanyang role bilang si Kyle na inabuso ng sariling ama. Gaganap siyang anak ni Jay Manalo rito.

Ano ang reaksiyon niya na tinatawag siya bilang bagong Totoy Mola?



“Sobrang nakakatuwa kasi Jay Manalo iyan, eh! Trademark niya iyan. Kapag binansagan kang bagong Totoy Mola, pabor sa akin iyan. May maipagmamalaki naman ako! Makikita ninyo sa movie,” wika ni Ricky sabay tawa.

Saad pa ng talent ni Meg Perez under Megamodels Events and Talent Management, “Ang laki po talaga ng adjustment ko sa pag-aartista na galing sa pageant. Kasi nga wala akong experience sa acting. Fulfillment sa akin ‘yung role na ibinigay ng Godfather Productions. Challenging, markado.”

Bago pa man gumiling ang camera para sa kanilang pelikula, hinanda na ni Ricky ang kanyang sarili kung ano man daw ang ipagagawa sa kanya ni Direk Joel.

Wika niya sa isang panayam, “Sinabi ko po sa sarili ko na kung ano ang ibigay sa akin na role ay gagawin ko lang po, without any doubt. Alam ko naman na itong movie na gagawin namin ay de kalibre talaga.”

Game raw si Ricky kahit frontal nudity. “Wala pong problema, basta alam ko pong ito iyong role ko,” sambit pa niya.



Laking squatter si Ricky sa Cavite. Inalagaan siya ng kanyang lolo’t lola na buong pag-aakala niya ay mga magulang niya. Inabandona siya noon ng kanyang ina. Eleven silang magkakapatid na iba-iba ang tatay (tatlo rito ang iisa ang ama) at pang-apat siya. Ipinamigay at ipinaampon ‘yung iba, hindi raw niya nakilala ang kanyang ama, kahit daw ang nanay niya hindi na alam kung ano ang pangalan ng father niya.

Noong bata pa siya, nabuhay sila sa paglalaba ng kanyang lola. Labandera raw ito ng mga squatter. Naranasan din ni Ricky na mag-ulam ng asin. Hahalauan nila ito ng tubig para maging sabaw. Mula elementary hanggang high school, kandila ang gamit niya sa pag-aaral dahil wala silang kuntador. Pumapasok daw siya noon kahit walang baon. Basta’t bago siya umalis ay makakain man lang ng tirang kanin.

Nakapagtapos si Ricky ng kursong BS Marine Transportation dahil sa pagiging scholar. Varsity player kasi ng volleyball sa PMMS Las Pinas at sumasayaw rin daw siya ng ballroom. Si Ricky ay 21 years old, may taas na 5’11. Pageant King, ramp and commercial model siya bago napasabak sa Anak ng Macho Dancer.

Kahit dumanas nang matinding hirap si Ricky, sumusumpa siyang hindi kumapit sa patalim. “Marami pong nagpaparamdam before na gay pero nandiyan na po ‘yung tita-ninang ko na nasandalan ko before. Siya ang sumusuporta sa pag-aaral ko, bukod sa scholarship ko,” pakli pa niya.

Tampok din sa pelikula sina Allan Paule, Jaclyn Jose, Rosanna Roces, Jay Manalo, William Lorenzo, Emilio Garcia, Charles Nathan, David Schion, Miko Pasamonte, Niel Suarez, Chloe Sy, at iba pa.

Ang Anak ng Macho Dancer ay mula sa The Godfather Productions ni Joed Serrano.