24/7 na pagtulong ng Valenzuela City Police Station sa kasagsagan ng bagyong Carina, binigyang pagkilala ng pamahalaang lungsod
Advertisers
Bilang pagkilala sa ‘round the clock’ na pagtulong na isinagawa ng pulisya ng Lungsod ng Valenzuela sa kasagsagan ng bagyong Carina, tumanggap ng dalawang ‘Certificate of Appreciation’ ang hepe ng Valenzuela City Police Station (VCPS) na si PCol Nixon M Cayaban, Lunes, Agosto 12 sa harap ng VCPS Headquarters.
Ang mga ‘certificate’ ay ipinagkaloob kay Cayaban at VCPS na nilagdaan nina Valenzuela City Mayor WES Gatchalian, at dalawang opisyal ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office.
Habang nananalasa ang bagyong Carina noong Hulyo 24 at 25, ang lokal na pulisya ng Valenzuela ay nagbigay ng libreng sakay sa mga ‘stranded’ na pasahero, lumusong sa matinding baha para mailikas ang mga residente, umasiste sa pamimigay ng pamahalaang lungsod ng mga ‘relief pack’, nagbantay at umasiste sa mga ‘evecuees’ na nasa mga itinakdang ‘evacuation center’.
Samantala, ginawaran din ng pagkilala nang araw na iyon ang isang empleyado ng pamahalaang lungsod na si Beng Samson sa pagsuporta nito at anim na ‘stakeholder’ na umagapay sa VCPS sa pagbibigay ng tulong sa mga residente ng lungsod.
Ang tinanggap na ‘Certificate of Appreciation’ ng pitong sibilyan ay pinirmahan naman ni Cayaban.