Advertisers
Todas ang lider ng criminal group nang mabaril ng security guard ng hinoholdap na establisyimento sa Makati City nitong Miyerkoles.
Sabi ni PMaj. Arvin Rosadiño, hepe ng Makati Police Substation 3, nagdeklara ng holdap ang 5 lalaki sa isang grocery store ng prutas at gulay madaling araw ng Miyerkules.
Kita sa CCTV ang pagpasok ng mga lalaki at ang nakadapang guwardiya.
Maya-maya pa, binaril na ng guwardiya ang isa umano sa mga nang-hold up.
Dito na nagpulasan ang mga lalaki at lumabas ng establisyimento.
Kita pa sa CCTV na dumaan ang isa sa mga suspek sa likod ng guwardiya bago tumakas.
Hinila naman ng guwardiya ang nakahandusay na lalaki.
“Pinadapa nila ‘yung guwardiya tapos sakto na nagpapatrolya ang kapulisan natin sa paligid. Narinig ng guwardiya ang wangwang. Paraan na niya para makasalisi, ipagtanggol ang sarili niya. Nagresulta sa pagkabaril at pagkamatay ng isa sa mga suspek,” sabi ni PMaj. Rosadiño.
Nanakaw ng mga lalaki ang dalawang company phone ng kahera. Wala silang nakuhang cash mula sa tindahan.
Dagdag ng pulisya, tinawag ng mga pahinante ang mga pulis noong nangyayari ang insidente. Dito na nila naabutan ang napatay na lalaki.
“Yung mga pulis tinawag sila ng pahinante. Natiyempo na noong oras na yun, nag re-restock sila ng prutas kaya maraming pahinante sa labas… mga walo. Tinawag ‘yung mga pulis na hinoholdap ‘yung establisimiyento nila… dead on the spot,” dagdag niya.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, lider umano ng isang criminal group ang napatay na lalaki. Ayon kay PMaj. Rosadiño, madalas umanong sangkot ang grupo sa robbery at carnapping sa Metro Manila.
Dagdag ng pulisya, may arrest warrant sa napatay dahil sa kasong frustrated homicide na inilabas ng isang korte sa Makati City.
Kuwento ng isa sa mga testigo at nasa loob ng establisyimento, tinutukan siya ng baril ng isa sa mga lalaki. Nakarinig na lang umano siya ng dalawang putok ng baril.
“Halo-halo na ‘yun, kung ano ang mangyari,” sabi ng testigo.
“Nagpapasalamat sa taas na buhay kami, walang nangyari sa amin at nakabalik kami dito ng ligtas,” dagdag niya.
Dinala ang security guard sa Makati Police Headquarters para mahingan ng salaysay.
Pinuntahan ng News Team ang establisyimento para kunan ng pahayag ang may-ari at security guard pero sarado ito.
Kaninang madaling araw, kinumpirma ng Southern Police District na naaresto na ang isa sa mga suspek.
Kasalukuyang isinasagawa ang hot pursuit operations sa 3 na lalaking nakatakas.(Gaynor Bonilla)