Advertisers
Cagayan – Arestado ang isang local government employee ng Sta Teresita matapos paputukan ng baril ang mga rumespondeng pulis sa isang kaguluhan dito sa naturang bayan.
Ayon kay Police Capt.Ranulfo Gabatin, hepe ng PNP-Sta Teresita, nagkaroon ng kaguluhan sa Barangay Buyun na kinasasangkutan ng isang Melecio Rosal, 40-anyos, LGU employee ng nasabing bayan.
Una rito, nag-iinuman ang suspek kasama ang kanyang mga kapitbahay nang magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan. Napikon ang suspek at umuwi, kinuha ang kanyang baril na calibre .45. Pero bago pa ito makabalik sa lugar ng inuman ay dumating na ang mga pulis na tinawagan ng kapitbahay.
Nang makita ng suspek ang mga pulis ay nagpaputok ito at mabilis na tumakbo.
Wala namang tinamaan sa mga pulis na agad na hinabol ang suspek at naabutan sa mismong bakuran nito.
Bigo naman ang mga pulis na makuha ang baril ng suspek dahil naitago na ito bago pa maabutan.
Depensa ng suspek, aksidente niya lamang nakalabit ang kanyang baril nang makita ang mga pulis dala na rin umano ng kanyang kalasingan.
Nahaharap sa kasong alarm and scandal at indiscriminate firing ang suspek. – REY VELASCO