Advertisers
NAGHAIN ng reklamo nitong Miyerkules ang nakakulong na aktibista na si Reina Mae Nasino laban sa 20 opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at pulisya patungkol sa sinasabing “kalupitan” sa kanya at sa kanyang tatlong buwan na anak na namatay.
Kinasuhan ni Nasino ng kriminal at administratibo ang hepe ng BJMP, Manila Police District (MPD), Manila City Jail Female Dormitory (MCJFD), at ilang police at jail officers sa Office of the Ombudsman.
Partikular na sinampahan ng reklamo ni Nasino sina BJMP Director Allan Iral, MPD chief Brigadier General Rolando Miranda, MCJFD Officer-in-Charge Ignacia Monteron, at ang kanilang mga opisyal ng mental o psychological torture sa isang detainee, maling pagtrato o maltreatment sa preso at grave abuse of authority, at iba pang kaso.
Nakulong si Nasino nang mahulihan ng baril at pampasabog at isinilang ang kanyang anak na si River noong July.
Sa kabila ng kanyang apela na makasama ang kanyang anak ng isang taon at upang makapag-breastfeed ay ipinag-utos ng korte na ihiwalay ito sa kanya ilang linggo matapos nitong isilang.
Namatay naman si River sa ospital noong Oktubre dahil sa pneumonia nang mahiwalay kay Nasino.
Nang iburol ang anak, pinayagan ito ng tatlong araw na furlough upang bumisita sa burol at libing na umabot lamang ng anim na oras matapos umapela naman si Monteron sa korte na kulang ang kanilang personnel para eskortan si Nasino.
Mahigpit na binantayan ng mga awtoridad si Nasino sa kabila ng nakaposas ito.
Ayon kay Nasino, nauwi sa full police operation ang burol at libing ng kanyang anak dahil bitbit ng mga operatiba at jail personnel ang matataas na kalibre ng baril.
Para naman aniya sa mga respondent, hindi sapat para sa kanya na magtiis sa labis na pagkawala ng kanyang anak at para sa kanyang pamilya na igalang sa kanilang pagluluksa at kinailangan siyang apihin sa publiko sa burol at libing ng kanyang anak at lumabag at kasabay aniya nito ang pangunahing karapatan ng mga nakikidalamhati.
Sinabi rin ni Nasino na hindi rin ito pinayagan na mag-breastmilk kay River sa loob ng kulungan matapos silang maghiwalay ng kanyang sanggol.
Dahil dito, inakusahan niya sina Iral at Montero na lumabag sa batas sa breastfeeding promotion law.
Pinasasagot din ni Nasino ang mga nakatataas na opisyal ng mga nabanggit na mga inakusahan tulad nina Secretary Año, General Cascolan and General Sinas – sa hindi magandang pag-uugali umano at hindi kapani-paniwalang pag-uugali na kungsaan hindi lamang aniya iligal ngunit isang kahihiyan sa moralidad, pamantayan at sangkatauhan nito.
Binigyan diin din ni Nasino na hindi lamang hustisya para sa kanya at sa kanyang anak kundi hustisya para sa bawat tao.
Nauna nang hiniling ng mga abogado ni Nasino sa Korte Suprema na idismis ang hukom sa Maynila na nag-utos na ihiwalay sa kanya ang kanyang anak. (Jocelyn Domenden)