Advertisers
MATAPOS mabuking at kumalat ang pangingikil sa SAP beneficiaries, isinoli ni Barangay Chairman Augusto “Jojo” Salangsang nh Bgy. 261 Tondo, Manila ang isang libong piso na hinirit niya sa mga residente.
Ayon sa source ng Police Files Tonite, matapos makatanggap ng memo si Salangsang mula sa Manila City Hall ay kaagad itong nagpatawag ng miting sa barangay at kinausap ang mga tao na kinunan niya ng P1K.
Umiiyak umanong nakiusap si Salangsang na tulungan siya, at handa pang lumuhod, makalusot lang siya sa posibleng kakaharaping kaso upang hindi matanggal sa pwesto.
Paliwanag pa umano ng tserman, ang nalikom niyang pera mula sa SAP ay ipapa-raffle din niya bilang pamasko sa mga residente.
Nasaksihan pa ng source ang aktwal na pag-ikot ng Barangay Secretary dala ang papel na pinapipirmahan sa mga tao, kung saan nakasaad: “Ito ay isang petisyon na nagsasabing kami ay nakatanggap ng kabuuang P16,000 sa SAP at wala kaming ibinigay na P1k kay Chairman at kailanman ay hindi siya nanghingi sa amin”.
Nauna rito, nabuking ang pangingikil ni Salangsang matapos mabidyuhan ang pagbigay sa kanya ng P1k bilang parte sa SAP.
Sa naturang video, sinasabi ni Salangsang na bibigyan niya ng “pamasko” ang Manila Department of Social Welfare District 2 dahil binigyang prayoridad ang kanilang barangay para makakuha ng SAP.
Sinabi rin nito na ang hindi magbibigay ay hindi na makakatikim sa kanya ng mga darating pang “biyaya”.
Magugunta na higit isandaan nang barangay officials ang kinasuhan at sinuspindi ng DILG dahil sa pangingikil sa SAP beneficiaries.