Advertisers
KAHIT pa mga barangay-initiated projects ay hindi sasantuhin sa araw-araw na malawakang clearing operations lalo’t nakasagabal sa daloy ng pedestrian at trapiko.
Ito ang deklarasyon ni Manila Mayor Isko Moreno, kasabay ng panawagan sa lahat ng mga opisyal ng barangay na suportahan ang kampanya ng pamahalaang lungsod para sa non-stop clearing operations para matanggal ang lahat ng uri ng obstruction sa lungsod.
Isang barangay sa Tondo ang nakatikim ng pagiging seryoso ng lungsod sa kampanya nito pagdating sa obstruction ,nang tanggalin ng mga tauhan ng Department of Engineering and Public Works (DEPW) sa ilalim ni Engineer Armand Andres ang stone signage sa kalye na nilagay mismo ng mga awtoridad ng barangay.
Ang nasabing signage na naging palagian na sa nasabing lugar na ginaya rin sa ibang barangay ay naglalaman ng pangalan ng mga barangay officials sa lugar ng Delpan Extension sa Tondo.
Ayon kay Moreno, ang hakbang na ginawa ng mga kawani ng DEPW ay patunay lang na umiiral ang batas para sa lahat at walang sinasanto.
“Pantay-pantay ang batas sa Maynila, kahit signage pa po yan ng barangay, tatanggalin po namin iyan. May gobyerno na po sa Maynila, at wala na pong palakasan dito,” giit ni Moreno.
Umaasa ang alkalde na dahil sa naganap sa nasabing barangay ay pamamarisan na ito ng iba pang barangay na naglagay din ng obstruction sa kanilang lugar tulad ng mga batong signages at magkukusa na ang mga ito na tanggalin at huwag ng hintayin pa na tauhan ng City Hall ang gumiba.
Ayon pa kay Moreno, simula nang maupo siya bilang alkalde ay naging consistent na siya sa kanyang polisiya na ibalik ang kalye at bangketa sa taumbayan dahil para dito naman ito talaga at para din maging maluwag ang daanan ng tao at daloy ng trapiko.
Ang paggiba sa batong signage sa Del Pan Extension ay naganap nang magsagawa ng clearing operations sa lugar ng C.M. Recto mula Juan Luna, Asuncion, M. D. Santos, Camba, at Tahimik Streets. (ANDI GARCIA)