Advertisers
SISILIPIN ng special investigation task group na nag-iimbestiga sa pagpatay kay Los Banos, Laguna Mayor Caesar Perez ang pagkakasama niya sa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang posibleng motibo sa krimen.
Ayon kay Philippine National Police spokesman, Brigadier General Ildebrandi Usana, ikukunsidera bilang isa sa posibleng anggulo ng pagpaslang ang pagkakasama ni Perez sa narcolist.
Pero sa ngayon, wala pang ‘person of interest’ sa krimen.
Sa ulat, binaril si Perez, dating vice governor ng probinsya, ng mga ‘di pa nakikilalang salarin habang naglalakad patungong receiving area ng municipal hall 8:30 ng gabi ng Huwebes. Agad nakatakas ang mga salarin matapos ang insidente.
Nabatid na may nakahaing reklamo laban sa alkalde sa Department of the Interior and Local Government (DILG) noong 2019 dahil sa pagkakasangkot umano nito sa illegal drugs.
Samantala, tiniyak ni Laguna Governor Ramil Fernandez na makakamit ng pamilya ni Perez ang hustisya.
Ayon sa gobernador, inatasan na niya ang pulisya na magsagawa ng masusing imbestigasyon at bumuo ng Special Task Force ang PNP para rito.
Noong 2017, napaslang din ang nakababatang kapatid ni Perez na si Ruel matapos itong tambangan ng riding in tandem sa national highway ng Brgy. Mangahas.