PNP RD 4A GEN. LUCAS SINUSUWAG NG KANYANG MGA OPISYAL!
Advertisers
Ni CRIS A. IBON
SA kabila ng paulit-ulit na direktiba ni PNP Region 4A Director, Brigadier General Paul Kenneth Lucas, sa kanyang provincial directors at mga hepe ng munisipalidad at lungsod na lansagin ang lahat ng uri ng illegal activities sa kanilang hurisdiksyon ay hindi parin tinitinag at patuloy parin ang operasyon ng sindikatong paihi o buriki, ilegal na Small Town Lottery (STL) bookies, malalaking sakla dens at peryahan na pulos sugalan (pergalan) sa CALABARZON lalo na ang inirereklamo sa mga siyudad ng Lucena, Quezon Province, Batangas City at Carmona City, Cavite.
Ayon sa anti-vice crusader group, sa rehiyon ay nagpapakitang hindi lamang binabalewala ng mga provincial director at mga hepe ng pulisya ang hakbang ng kongreso noong March 2024 na sugpuin ang talamak na operasyon ng illegal gambling, kundi naglalagay din sa “alanganin” kay Gen. Lucas bilang pinakamataas na pinuno ng PNP sa naturang rehiyon.
Hindi miminsan o dalawang beses lamang, kundi napakaraming ulit nang nagbabala si Gen. Lucas sa kanyang mga provincial director at mga police chief sa pagpapatupad ng “No Take” at “One Strike Policies” sa kanilang area of responsibilities (AOR), ngunit tila “pasok sa kanang tainga at labas sa kaliwa” lamang ang warning na ito ng disciplinarian na heneral.
“Hangga’t hindi nasasampolan ay walang masisibak sa pwesto na PD at police chief, mananatiling suwail at hindi susundin ng maraming field officers ang direktiba ni Gen. Lucas”, ang pagtiyak ng samahan ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB).
Inihalimbawa ng MKKB ang operasyon ng paihi/buriki nina alyas Rico Mendoza na basta na lamang tila singaw na sumulpot sa Batangas City nang maupo sa puwesto sina Batangas PNP Provincial Director, Colonel Jacinto “Jack” Malinao Jr., at City Police chief LtCol. Jephte Banderado.
Lantaran ang operasyon nito sa kahabaan ng Bypass Road, sa barangay ni Banaba South Chairwoman Estrella Que, na nakunan pa ng litrato ng Police Files Tonite photographer ang nababakurang kuta mahigit sa isang linggo na ang nakararaan.
Ngunit sa halip na arestuhin, kasuhan at gibain ang kuta ni alyas Rico ay pinagsabihan lamang ng ilang operatiba ng pulisya ang naturang lider ng sindikato na huwag mag-operate, magpanakaw ng produktong petrolyo sa umaga at sa halip ay sa dakong gabi hanggang madaling araw na lamang mag-operate habang binabantayan ang operasyon ng mga ito ng ilang barangay tanod at pulis na lulan ng mobil car.
Sa panibagong litratong kuha ng PFT photog nitong Martes lamang ay nanatiling nakatirik parin sa lugar ang kuta nina alyas Rico sa naturang barangay.
Tulad ni Rico ay hindi rin tinitinag ng Batangas City Police ang paihi/buriki operation ng isang Duterte Die Hard PNP colonel at ng hitman/bodyguard nitong fake Sgt. Buloy sa may main gate ng Batangas City Pier, Brgy. Sta. Clara.
Bukod sa multi-milyong ilegal na kitaan sa paihi/buriki ay talamak din ang operasyon ng STL bookies at sakla sa Tanauan City, Lipa City, mga bayan ng Nasugbu at Padre Garcia.
Maugong ang balita na ang mga Padre Garcia based drug/gambling lord na sina alyas Tisoy at Nonit ay nangangalap ng election fund mula sa droga, paihi at sugal upang ipanustos sa kampanya ng kanilang kandidatong gobernador na isang alyas Mike Romantiko.
Milyones din sa tatlong bola kada araw ang naibubulsa ng mga gambling con drug lord at mga police protector at maging ng ilang tiwaling NBI official sa mga bayan ng Lemery, Calaca, Tuy, Malvar, Laurel, Balete, Ibaan, Lobo, Cuenca, Bauan, Mabini, Calatagan, Lian, Balayan at iba pang mga bayan. May mga permanente o puesto pijo na sugalan din sa mga Brgy. Santiago, Malvar, Brgy. Darasa, Tanauan City, Brgy San Lucas, Lipa City na inooperate ng mga drug dealer din na sina Onad, Josep, Baby at alyas Kap Boyet, at sa tabi mismo ng Lian town Public Market, ngunit dedma din sa police doon at kay Mayor Joseph Piji.
Sa Lucena City ay tuloy-tuloy din ang pagnanakaw ng cooking oil at iba pang oil product ni alyas Troy sa kahabaan ng lansangan ng Brgy. Salinas. Nakapila sa may palayan sa gilid ng highway ang maraming pinagnanakawang truck na may kargang oil product mula sa mga oil mill sa Lucena City, Metro Manila at Bicol Region na tahasang sumusuway sa utos ni Lucena City Mayor Mark Don Victor Alcala na sawatain ang operasyon ng paihian ng drug pusher ding si Troy.
May ulat ang MKKB na isang Lucena police official ang nagbigay ng “go signal” upang huwag ihinto ang operasyon ng paihi/buriki ni Troy sa kondisyong hindi papalya ang naturang ilegalista sa paghahatag ng libu-libong lingguhang intelhencia sa tanggapan ng pulisya ng Lucena City at sa Quezon Provincial Police Office.
Sa Brgy. Bancal, Carmona City ay wala ding humpay ang operasyon ng paihi/buriki ni alyas Amang at sindikatong Violago na di naman alintana nina Cavite Provincial Director Col. Eleuterio Ricardo Jr., Carmona City Police Chief LtCol. Jefferson Ison at Mayor Dahlia Loyola.
Talamak diin ang operasyon ng EZ2 bookies ng isang alyas Jun Toto sa Dasmariñas City, Peryahan ng Bayan bookies ng isang alyas Nitang Kabayo sa halos lahat na siyudad at bayan sa lalawigan ni Gov. Junvic Remulla.
May 12 namang sakla den ang pinatatakbo nina alyas Hero at fake NBI agent na si alyas Elwyn sa mga siyudad ng Bacoor, Dasmariñas, Cavite, mga bayan ng Maragondon, Magallanes, Noveleta, Ternate, Naic, Amadeo, Bailen at iba pa.