Advertisers
TANGING sa Pilipinas mo lang makikita ang isang pulis, na pinag-aralan at sinanay para maglingkod sa larangan ng pagpapatupad ng batas, biglang nagiging boss ng mga laro sa lotto bilang General Manager ng PCSO. Either si Garma ay isang sobrang multi-faceted na indibidwal o, harapin natin, isa lang talaga siyang pinagkakatiwalaang alipores ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.
Hindi na ito nakakagulat kung titignan ang inner circle ni Duterte—isang bundok ng mga kuwestiyonableng appointment. Nandiyan si Bato dela Rosa, na mula sa pagiging hepe ng PNP ay naging mambabatas na parang natural lang na career move. Si Bong Go, na dating glorified errand boy ni Duterte, ngayon ay walang kamalay-malay na nagpaparada sa Senado; at si Michael Yang, isang negosyanteng Tsino, na naglalaro bilang tagapayo sa mga isyung pang-ekonomiya ng isang bansang hindi naman siya citizen. Talaga bang paniniwalaan natin na ang mga appointment na ito ay base sa kakayahan at hindi sa bulag na katapatan?
At nandiyan pa ang napaka-kulay na resume ni Garma—mula sa pagiging drug war commander na responsable sa pagpatay ng maraming tao sa ilalim ng kampanya ni Duterte laban sa droga, hanggang sa pagiging General Manager ng PCSO. Dahil tila ba ang pagiging bahagi ng extrajudicial killings ay napakahusay na paghahanda para pamahalaan ang mga gawaing kawanggawa at medikal na tulong. Parang nag-hire ka ng drayber ng jeep para magturo ng batas—perfect sense, di ba?
Ang mas nakakagulat pa, bilang GM ng PCSO, naglaan si Garma ng P2 milyon mula sa pondo ng PCSO para itayo ang sarili niyang party-list. Ang unang nominado ng party-list ay si Yvonne Barandog, asawa ng isang pulis na malapit kay Garma, at ang pangalawang nominado ay walang iba kundi ang kanyang pinsan. Imbes na ilaan ang pera ng bayan para sa kinakailangang mga programang pangkalusugan, medikal na tulong, at mga serbisyong pangkawanggawa, walang kahihiyang ginagamit ang pera ng mga mamamayan para palawakin ang pampulitikang imperyo ng kanyang amo. Malinaw na hindi magaganap ang ganitong lantad na pang-aabuso sa pondo ng bayan ng walang basbas ni Duterte.Mismo!
Sa katunayan, the apple does not fall far from the tree, dahil halatang ginagaya ni Garma ang mga taktika ng kanyang mahal na boss, si Duterte.
Natuklasan pa na bilang GM ng PCSO, itinalaga ni Garma ang pito niyang kamag-anak sa mga posisyon sa PCSO, kabilang ang kanyang anak na babae na 23 taon gulang pa lamang at walang anumang karanasan sa pagpapatupad ng batas. Di kapani-paniwala… Ito ang pinakamatinding halimbawa ng Duterte-style nepotismo.
Isa pang irony, kamakailan lang ay histerikal na humihingi ng tulong si Garma sa QuadCom para dalhin ang kanyang anak sa HOR premises nang ma-detain ito, dahil hindi raw kaya ng kanyang anak na mag-isa dahil sa mga isyu sa mental health. Ngayon, habang sinusuri na siya ng QuadCom, iba na ang tono ni Garma mula sa “hindi kaya ng anak ko ito” papunta sa “Dsylexia is not a disease and she was able to overcome it. She is very competent in report writing and editing communications!” Ginamit ang mental health card para makakuha ng simpatya, ngunit ngayon, isa na lamang ito sa napakarami niyang mga palusot. Tsk tsk tsk…
Sa dami ng ebidensyang nahalungkat ng QuadCom laban kay Garma, hindi na nakakagulat na ang isang nagpakilala bilang ordinaryong pulis ng PNP ay mayroon palang nakatagong yaman.
Sa ikapitong hearing ng QuadCom, inamin ni Garma na nagmamay-ari siya ng isang mansyon sa Hilltop kungsaan isinasagawa ang team buildings para sa mga empleyado ng PCSO—isang bagay na itinanggi niya sa naunang hearing. Nagawa pa niyang itanggi ang ari-arian sa pamamagitan ng pagsasabing, “It’s not my property but I developed it.” Nakikinig ba siya sa sarili niyang mga salita? Kasinungalingan pagkatapos ng kasinungalingan—at ngayon ay malinaw na nalulunod si Garma sa sarili niyang mga kasinungalingan habang nahihirapan siyang panatilihing diretso ang kanyang kuwento sa ilalim ng presyur ng QuadCom.
Sa huli, si Garma, tulad ni Duterte at ng kanyang mga alipores, ay may iisang bagay na pinagkakasunduan—ang talento sa pagsisinungaling. Akala nila’y ito ang magpapapanalo sa kanila, pero sa bandang huli, mauunawaan nila ang kanilang mga kasinungalingan ang magiging sanhi ng kanilang pagkatalo. Sawa na ang mga Pilipino sa kanilang kalokohan. Mismo!!!