Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
UMANI ng iba’t ibang reaksyon ang prank ni Billy Crawford na ginudtaym nito ang kaibigang si James Reid para mangutang.
Napaniwala naman si James na talagang seryoso si Billy sa kanyang pangangailangan ng pera na nabuking na ang pera at investments ng dating PBB alumnus ay nakalagak pala sa Australia.
Sobra ring kinabahan si James nang hilingin ni Billy na ibenta muna nila ang sasakyan ng una para maipautang sa huli since wala naman itong cold cash.
Nang malaman ni James na pinaglaruan siya ni Billy, doon na nito inamin na talagang dinaga siya.
“Legit you scared the sh*t outta me,” sey ni James sa kanyang IG account.
Sey naman ng netizens, malabong mangutang daw si Billy kay James dahil ayaw lang nitong pabuking, pero mas mapera raw ito sa Fil-Aussie actor.
Bata pa lang daw ito na alaga ng Master Showman na si Kuya Germs ay may investments na raw ito sa kanyang pag-aartista.
Malaki rin daw ang naipon nito lalo pa’t pumaimbulog din ang career nito bilang international artist.
Dagdag pa nila, sa kasalukuyan ay marami raw itong projects kay James na ang pinagkakaabalahan ay ang kanyang recording company na nagsisimula pa lamang magkaroon ng sariling niche.
***
NAGPAPASALAMAT ang Popstar Royalty na si Sarah Geronimo sa kanyang mister na si Matteo Guidicelli dahil naging gabay niya ito kung paano pa mas ise-secure ang kanilang future.
Ito raw ang tumatayong adviser pagdating sa iba pa niyang investments.
“Mas business-oriented kasi si Mat, so sa kanya ako humihingi ng advice,” aniya.
“Iba siya sa situwasyon noon na, iba ang nagma-manage ng finances ko,” dugtong niya.
Sa ngayon, nag-a-adjust pa rin si Sarah sa kanyang bagong papel bilang maybahay at homemaker.
Aniya, marami rin daw siyang natutunan sa pagsabak niya sa buhay may-asawa na hindi niya naranasan noong dalaga pa siya, at isa na rito ang pagluluto.
Ngayon, halos eksperto na raw siya sa pagluluto ng mga putaheng tulad ng kare-kare, pinakbet, bangus sisig at tuna empanada.
Hirit pa ng singer-actress, kahit daw may pagkapihikan ang mister, wala raw naman itong itulak-kabigin sa mga niluluto niya.
“Bet niya lahat kasi may kasamang tender loving care,” pagbibiro niya.
Kamakailan lang, nag-trending ang music video ni Sarah nang inindorso niya ang mga produkto ng Hanabishi na umani na ng 222,000+ views at 1200+ shares sa social media noong unang araw na lumabas ito.