Advertisers
WALANG aksyon ang Department of Health (DoH) sa 98 confirmed covid cases sa House of Representatives gayundin sa naiulat na paglabag sa quarantine protocol ng matataas na opisyal nito sa pangunguna nina House Speaker Lord Allan Velasco at Deputy Speaker Mikee Romero.
Kinumpirma ni Quezon City Health Department-Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) Director, Dr. Rolly Cruz, na naisumite na nila sa DoH ang kanilang Event-Based Surveillance and Response (ESR) report tungkol sa ginawang late reporting ng Kamara sa confirmed Covid cases nito gayundin ang resulta ng kanilang isinagawang contact tracing.
Gayunpaman, ilang beses na tinangka hingan ng panig ang DoH ukol sa kanilang aksyon sa clustering of COVID cases o biglaang pagtaas ng kaso sa Kamara ngunit tumanggi itong magbigay ng kanilang komento.
Sa ilalim ng DoH guidelines, mayroon nang clustering of cases kung sa isang workplace ay nagkaroon ng 2 kaso ng covid. Sa Kamara ay nagkaroon ng 98 positive cases na naitala mula Nobyembre 10 – 20 na nai-report lamang sa health office noong Disyembre 1.
Una nang ipinanawagan ng mga kawani ng Kamara na ipasara na muna ang tanggapan dahil sa pagdami ng kaso ng covid ngunit tila nagkakaroon ng cover up dahil bigo ang DoH na aksyunan ito.
Inamin ni Cruz na ang pagrekomenda ng pagpapasara ng Kamara ay wala sa kanilang kamay dahil ang House of Representative, bilang isang separate institution ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng DoH at hindi ng local health office.
Samantala, kinastigo ni dating Law Dean Atty Rico Quicho ang hindi pagsunod sa quarantine protocol nina Velasco, Romero, House Secretary General Dong Mendoza at Diwa Partlist Rep. Mike Aglipay. Ang apat ay direktang nae-xpose sa COVID positive na si Tesda Director Isidro Lapeña nang magkakasama ito sa isang dinner event subalit sa halip na magself-quarantine ay patuloy itong nakikitang pumapasok sa Kamara.
“Lawmakers should not be lawbreakers. Practice what they preach,” pahayag ni Quicho na syang nagsampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 11332, Mandatory Reporting of Notifiable Diseases Act laban kay Sen. Koko Pimentel dahil sa quarantine breach nang lumabas parin ito sa kabila ng pagiging COVID positive.
Bukod sa paglabag sa quarantine ay nilabag din ng mga House leaders ang guidelines ng DoH-IATF na nagtatakda na hanggang 10 katao lamang ang gathering. Maliban sa 5 House Leaders at si Lapeña ay kasama rin sa dinner meeting sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Information Sec. Gregorio Honasan, Environment Sec. Roy Cimatu, National Security Adviser Hermogenes Esperon, National Task Force Against COVID-19 Chief Carlito Galvez at Social Welfare and Development Sec. Rolando Bautista,.
Sa ilalim ng 2020 Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act o 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, malinaw na itinatakda sa Rule VI na “whether public or private, all are required to accurately and immediately report notifiable diseases and health events of public health concern”
Ang hindi tatalima dito ay maaaring patawan ng multa at pagkakakulong ng 1 buwan, subalit kung ang offender ay isang public or private institution gaya ng Kamara, ang Chief o ang lider nito o si Speaker Velasco ang syang magiging liable, kungsaan ang maaaring ipataw na parusa ay pagsibak sa tungkulin.