Advertisers
Hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Commission on Audit (COA) na suriin ang mga foreign loan agreement ng gobyerno upang matiyak na dumaan sa masusing pagsusuri ang mga proyektong pinopondohan nito at hindi basta nagiging obligasyon ng Kongreso ang bilyun-bilyong pisong utang.
Sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA) sa nominasyon ni Douglas Michael Mallillin bilang COA chairperson nitong November 23, 2026, sinabi ni Cayetano na maraming kasunduan sa foreign loans ang may arbitration clause.
Sa ilalim nito, maaaring idaan sa paglilitis sa labas ng Pilipinas ang mga hindi pagkakaunawaan tungkol sa kasunduan.
Ayon sa senador, posibleng kailanganin pa ring bayaran ng gobyerno ang mga utang kahit tutulan ng Kongreso ang proyekto at hindi ito aprubahan ng pondo.
“Even if Congress said they don’t like the project and they won’t pay, but you (Executive) signed on behalf of the Philippines and ito y’ung arbitration clause, you [still] have to pay,” wika niya.
Binigyang diin ni Cayetano na sa ilalim ng Article VI, Section 29 ng 1987 Constitution, hindi maaaring maglabas ng pera mula sa kaban ng bayan kung walang appropriation na pinagtibay bilang batas.
Nangangahulugan itong may kapangyarihan ang Kongreso na suriin at aprubahan ang paggasta ng gobyerno.
“If you look at the Constitution, on Section 29, it says ‘No money shall be paid out of Treasury except in pursuance of an appropriation bill made by law.’
Klaro iyon na ‘pag walang appropriation, hindi pwedeng ilabas y’ung pera,” wika niya.
Gayunpaman, pinapayagan din ng Article VII, Section 20 ng Konstitusyon ang Pangulo na pumasok o maggarantiya ng foreign loans sa ngalan ng Pilipinas, basta may paunang pagsang-ayon ng Monetary Board at sumusunod sa mga limitasyong itinakda ng batas.
Sa mga nakaraang budget deliberation, binigyang diin niya ang pangangailangan ng mas mahigpit na pagsusuri ng Kongreso at mga pananggalang upang matiyak na napapakinabangan ng bansa ang mga proyektong pinopondohan sa pamamagitan ng pangungutang.
Nagbabala rin siya na maaaring umabot sa mga susunod na taon ang pagbabayad sa mga foreign loan dahil sa mga itinakdang schedule at grace period.
Dahil dito, posibleng kailanganing maglaan ng pondo ang mga susunod na pambansang budget para sa mga obligasyong pinasok na ng kasalukuyang administrasyon.
Bilang halimbawa, binanggit ni Cayetano ang mga flood control project na kasama sa ilang foreign loan agreement, kahit binawasan na ng Kongreso nitong mga nakaraang taon ang alokasyon para sa mga naturang proyekto.
“This is huge amounts of money, including foreign-assisted projects, na parang wala kaming choice kundi i-approve. Hindi talaga na-scrutinize ‘yan like the other parts of the P7 trillion national budget,” wika ni Cayetano.
Dahil dito, hinimok ng senador sa COA na suriin ang mga kasunduan sa foreign loans, partikular ang posibleng epekto ng mga ito sa pambansang budget at sa kapangyarihan ng Kongreso na busisiin at aprubahan ang paggasta ng gobyerno. “I think COA should look at this,” wika niya.