Advertisers
Mahigit P2.1 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa operasyong ikinasa ng Iloilo City Police Office.
Ang operasyon na nagsimula 4:00 ng umaga ng Oktubre 2 hanggang 4:00 ng umaga ng Oktubre 3 na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong high-value individuals.
Nasabat ang nasa 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.3 milyon sa operasyon sa Barangay Boulevard, Molo, 11:55 ng umaga nitong Miyerkules.
Nakuha ng mga operatiba ang 11 transparent plastic sachets na naglalaman ng shabu mula sa suspek na si alyas ‘Stephen,’ residente ng Barangay South San Jose.
Isinagawa rin ang isa pang buy-bust sa Barangay Calajunan, Mandurriao na nagresulta naman sa pagkakaaresto kay alyas ‘Iren,’ 48, at residente ng Barangay Buyu-an ng Tigbauan kung saan nakuha sa kanya ang nasa 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000.
Samantala, 66 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P448,000 ang nakumpiska sa operasyon na isinagawa 3:20 ng hapon ng kaparehong araw kung saan naaresto naman ang 59-anyos na suspek na si alyas ‘Jerry Boy’ ng Barangay Veterans Village, City Proper.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.