Advertisers
Naglunsad ng programa ang Caloocan City Medical Center (CCMC) at ang Caloocan City North Medical Center (CCNMC) para magbigay ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga kababaihan sa buong buwan ng Oktubre upang makilahok sa pandaigdigang pagdiriwang ng Breast Cancer Awareness Month.
Iaalok ang nasabing mga serbisyo araw-araw mula Lunes hanggang Biyernes, kabilang ang libreng breast at pregnancy ultrasound, at maging ang libreng excisions para matanggal ang mga bukol o cyst.
Hinikayat ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang lahat ng kababaihan sa lungsod na gamitin ang mga libreng serbisyong inaalok ng mga ospital ng lungsod at kinilala ang pangangailangan na magkaroon ng sari-saring serbisyong pangkalusugan na tutugon sa mga partikular na pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan.
“Ngayong buwan ng Oktubre, libreng serbisyong pangkalusugan ang hatid ng CCMC at CCNMC para sa kababaihan. Batid po natin na iba-iba ang pangangailangan ng ating mga mamamayan, depende sa edad, kasarian, at iba pang mga konsiderasyon kaya naman po sinisikap natin na kumpleto at angkop ang mga serbisyong pangkalusugan na natatanggap ng ating mga kababayan,” wika ni Mayor Along.
“Sa lahat ng kababaihan sa lungsod, samantalahin po natin ang mga libreng serbisyong ito upang matutukan ninyo ang inyong kalusugan. Mas mainam na pong malaman kaagad kung may mga pagbabago sa inyong katawan upang maagapan na kaagad at mabigyan ng tamang lunas o gamot,” dagdag ni Malapitan.
Tiniyak din ng Alkalde ng Lungsod sa kanyang mga nasasakupan na ang pagtitiyak na ang accessibility, affordability, at kalidad ng mga serbisyong pangkalusugan para sa lahat ay mananatili bilang kanyang mga prayoridad na programa sa hinaharap.
“Alam ko po na sa mabuting kalusugan ay nagsisimula ang kapanatagan ng mga Batang Kankaloo, kaya naman tinitiyak ko po sa inyong lahat na nasa ilalim ng aking administrasyon, mga proyektong pangkalusugan pa rin ang ating uunahin, mula sa libreng serbisyo hanggang sa mga de- kalidad at mga resulta para sa mga health center at ospital,” pahayag pa ni Mayor Along.(BR)