Advertisers
HINIKAYAT ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Biyernes ang mga lokal na negosyong naapektuhan ng kamakailang bagyo na mag-avail ng financing program ng ahensya.
Sa isang briefing ng Palasyo, sinabi ni DTI Acting Secretary Cristina Aldeguer-Roque na ang DTI ay “agresibo” na nananawagan para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) na samantalahin ang mga programa ng Small Business Corporation (SBCorp) para matulungan silang makabangon.
Sinabi ni Roque na ang gobyerno ay naglaan ng PhP2 bilyon para sa Enterprise Rehabilitation Financing (ERF) nito sa ilalim ng SBCorp, na magagamit ng lahat ng MSMEs na nag-ooperate sa mga lugar na nasa ilalim ng State of Calamity.
Ang ERF program ay nagbibigay ng isang emergency working capital upang matulungan ang mga MSME na tugunan ang mga pinansiyal na epekto mula sa mga sakuna, kabilang ang mga bagyo. (Vanz Fernandez)