Advertisers
Ni Blessie K. Cirera
MAGANDA at tunay na may kurot sa puso ang napanood natin kamakalawa ng hapon na special advanced screening ng IDOL (The April Boy Regino Story) na prinudyus ng WaterPLus Productions at idinaos sa Deng Car Theater, Mowelfund Office sa QC.
Puno ng puso ang kabuuan ng istorya ni April Boy na hinangaan ng masa bilang mahusay na mang-aawit. Ipinakita ang buhay niya at ng kanyang pamilya mula noong bata pa siya hanggang sa magsumikap siyang magpursige bilang mang-aawit. Naroon din ang pagmamahalan nila ng misis niyang si Madelyn Regino na sa simula pa lang ay nakaagapay na sa itaas at ibaba ng kanyang buhay.
Bilang isang action star ay kahanga-hanga ang pagkakadirek ni Efren Reyes, Jr. sa IDOL. Nakuha ni Direk Efren ang kiliti at emosyon ng mga manonood. Ilang entertinment press na dumalo ang hindi naiwasang mapaluha sa ilang eksena sa pelikula lalo na nung si April Boy ay nagkasakit na (nabulag).
Ang katatagan ng OPM icon at pananampalataya sa Panginoong Diyos ay natalakay din sa biographical film na ito na sinaliwan pa ng ilang awitin.
Napaluha tayo nang marinig na ang ilang pinasikat na kanta ni April Boy gaya ng Umiyak Ang Puso Ko at Di Ko Kayang Tanggapin. Tsika nga ni Madam Marynette Gamboa na EP ng pelikula, para mas lumabas na kapani-paniwala ang movie ay binayaran talaga nila ang rights ng mga awit na ginamit sa IDOL.
Magaling ang gumanap na IDOL na singer din na si John Arcenas at aniya ay pinag-aralan daw niya ang estilo ng pag-awit ni IDOL para lumabas siyang epektibo. Mahusay rin si Kate Yalung na gumanap na Madelyn Regino na misis ng singer na kahit unang pelikula niya umano ito ay hindi mahahalata na nangangapa dahil pinag-aralan umano niya ang kanyang role rito.
Ipalalabas na ang IDOL (The April Boy Regino Story) sa Nov. 27, 2024. Lumabas din sa pelikula ang anak ni April na si JC Regino kasama pa sina Tanya Gomez, Dindo Arroyo, Rey “PJ” Abellana, at Irene Celebre.
May special participation din sina Imelda Papin, John Nite, Hero Bautista, at Mae Rivera.