PINALAWIG ng Quad Com ang masusing imbestigasyon sa maraming isyu na humaharap sa bansa. Nangyari ito noong Martes nang maghain ng mosyon si Antipolo City Kin. Romeo Acop na palawigin ng dalawang buwan ang imbestigasyon.
Natapos noong nakaraang linggo ang unang dalawang buwan ang nakatakdang pagsisiyasat ng Quad Com. Dahil hindi pa tapos, pumasok si Acop, inihain ang mosyon, at kagyat pumayag ang mga kasapi ng QuadComm. Walang tumutol kahit isa.
Ayon kay Surigao del Norte Kin. Robert Ace Barbers, presiding officer ng QuadComm, maaaring tumagal ang imbestigasyon ng Quad Com hanggang bago magsimula ang kampanya sa 2025 midterm elections sa Pebrero. Ipinangako niya na maglalabas ang QuadComm ng partial committee report bago matapos ang taon.
*
BINUKSAN noong Lunes ng Senate blue ribbon subcommittee ang pansariling pagsisiyasat ng Senado sa war on drugs ni Gongdi. Napanood namin ang ilang bahagi sa telebisyon pero hindi namin natapos dahil malayong malayo sa imbestigasyon ng Quad Com.
May matwid na tawagin na HuwadCom o TuwadCom ang nag-imbestigang komite ng Senado. Wala kaming napala kundi pakinggan ang mga kasinungalingan ng pagtatakip at pagmamaang-maangan ng mga kakampi ni Gongdi. Nasusuka kami sa mga pahayag ni Bato del Rosa, Bong Go, Robin Padilla, Francis Tolentino, at kahit si Jinggoy.
Si Gongdi ang nakasalang dahil marami siyang ipinapatay ngunit ipinipilit na baligtarin ng ilang senador na si Leila de Lima ang magpaliwanag noong siya ang kalihim ng DoJ. Halatang halata na nais nilang hugasan ang kanilang mga sarili, lalo na si Bato at Bong Go, at palabasin na wala silang kasalanan sa palpak na digmaan kontra droga ni Gongdi.
Hindi namin alam kung bakit may imbestigasyon pa ang Senado kahit inamin na ni Gongdi na siya ang may utos sa war on drugs niya. Hindi ipinagkaila ni Gongdi ang kanyang kapalpakan. Malinaw na handa siyang managot sa lahat ng kasamaan na idinulot ng war on drugs.
Aksaya lang ng salapi ng bayan ang pagsisiyasat. Nagawa na ng Quad Com ang ginagawa nito. Inuulit lang ang nagawa ng Quad Com. Pero mas may kredibilidad ang QuadComm. Mahirap paniwalaan ang Huwad Com ng Senado.
*
AYON kay Barbers, may dalawang isyu pa na gustong harapin ng Quad Com. Una, ang reward system sa malawakang patayan o EJKs sa ilaim ng war on drugs ni Duterte. Pangalawa, ang mga pekeng nakalista na dahilan ng patayan.
Binaril ang mga ilang biktima ng EJKs ngunit ang nakalista ay ibang dahilan tulad ng asthma, o hika, hypertension, heart attack.. May isang bata na binaril ng pulis umano pero ang nakalagay na cause of death ay bronchopneumonia.
Ihaharap ang ilang pagbabago sa batas na gumawa ng Philipine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor). Aalisan ng poder ang Pagcor sa mga Internet Gaming Licensees (IGLs) dahil tuluyan ng ipagbabawal ang IGLs. Ano ang masasabi ni Alfonso Tengco, ang chairman at CEO ng PAGCOR.
***
NABASA ko lang sa Net: Ngayong pareho nang iniimbestigahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang war on drugs ni dating pangulong Rodrigo Duterte, balikan ang naging pagbubunyag ng mga pinakaunang whistleblowers sa issue, ang kapwa dating pulis na sina Arturo Lascanas at Eduardo Acierto.
Dahil sa Quad Comm hearings ng Kamara, nakilala ng publiko ang iba pang personalidad sa likod ng pagpapatupad ng kontrobersiyal na anti-drug campaign, at lalong naging kahila-hilakbot ang mga kuwento ng pagpatay–kapalit ng malaking halaga–sa libu-libong biktima ng ilegal na droga, kabilang na ang ilang nadamay na inosente.
***
NAPULOT ko rin sa Net:
QUAD COMM PROBE: ‘DRUG WAR’ KILLINGS INIUTOS NI DIGONG, PINONDOHAN NI BONG GO
Gulantang ang publiko, maging ang Quad Committee, sa mga ibinunyag ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office general manager Royina Garma sa huling hearing ng panel nitong Oktubre 11, nang direkta nitong itinuro si dating pangulong Rodrigo Duterte bilang nag-utos sa pagpapatupad ng “Davao Model” sa buong bansa.
Sa ilalim ng Davao Model, pinagkakalooban ng cash reward, mula P20,000 hanggang P1 milyon, ang mga pulis sa bawat drug suspect na mapapatay nila—at ang pondo, ayon kay Garma, ay nagmula umano kay Sen. Bong Go, na dating special assistant to the president sa administrasyong Duterte.
Nauna rito, sa parehong pagdinig, idinetalye ni Kerwin Espinosa ang pagpatay sa kanyang amang si dating Albuera Leyte mayor Rolando Espinosa Sr. sa loob ng piitan sa Baybay City noong 2016.
Kasunod nito, sinabihan umano si Kerwin ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa, noon ay hepe ng Philippine National Police (PNP), na akuin ang pagkakasangkot sa ilegal na droga at idawit ang ilang personalidad, kasama si noon ay Sen. Leila de Lima, kung ayaw niyang magaya sa sinapit ng ama.
***
Email:[email protected]