SAUDIA FLIGHT, LIGTAS MATAPOS MAG-DIVERT PABALIK NG MAYNILA
Advertisers
Kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na isang Saudia Flight na patungong Jeddah ang ligtas na nakabalik sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Huwebes ng umaga matapos ang isang aircraft technical issue.
Ganap na 12:51 a.m. nang makatanggap ang CAAP Operations Center ng ulat mula sa Manila Area Control Center na ang Flight SVA 871 na umalis ng Maynila 11:00 p.m. nitong July 2 ay nag-divert pabalik ng Maynila dahil sa weather radar malfunction. Nakalapag ito sa NAIA 1:25 a.m. at nakahimpil ngayon sa NAIA Terminal 1 remote parking.
Ayon kay CAAP spokesman Eric Apolonio, ang CAAP ay nakikipag-ugnayan sa airline at aviation authorities upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang operational readiness sa lahat ng oras.
Sinabi ni Apolonio na batay sa ulat ng Saudia Airlines, nagbigay ito ng hotel accommodation at pagkain sa lahat ng apektadong pasahero.
Ang bagong flight nila ay inaasahang aalis Huwebes alas-11 ng gabi, sa Terminal 1. (JERRY TAN)