Advertisers

Advertisers

TAGUIG, PINABULAANAN ANG “ILLEGAL RECLAMATION” NA IBINATO NI LACSON

0 16

Advertisers

MARIING itinanggi ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang umano’y “illegal reclamation activities” na iniugnay ni Senador Panfilo Lacson sa lungsod, at iginiit na dapat nakabatay sa katotohanan, beripikadong ebidensya at aktuwal na rekord ang anumang imbestigasyon sa katiwalian.

Sa inilabas na pahayag ng City Government of Taguig, sinabi nitong tinututulan nila ang umano’y mapanlinlang na naratibong kalakip ng video na inilabas ni Lacson kaugnay ng inspeksiyong isinagawa ng Office of the Ombudsman, Philippine Reclamation Authority, Land Registration Authority at Department of Public Works and Highways.

Nabatid na ipinakita sa video ang isang lugar na sinamahan umano ng malawak na konklusyon tungkol sa “illegal reclamation” at “impunity.”



Iginiit ng lungsod na hindi kabilang sa lupang kasalukuyang ginagamit o hawak ng City Government of Taguig ang lugar na makikita sa video.

Sinabi rin ng Taguig na ang nasabing lote ay inaangkin umano ng ilang pribadong indibidwal at isang neighborhood association.



Bukod dito, wala itong inilabas na permit o awtorisasyon para sa alinman sa mga sinasabing pribadong may-ari ng lugar.

Hinimok ng Taguig ang publiko na maging mapanuri at mag-ingat sa mga pahayag na anila’y hindi naaayon sa aktuwal na rekord at walang sapat na factual basis.



Binigyang-diin ng lungsod na nananatili itong nakatuon sa paglaban sa graft at corruption, ngunit dapat anila itong isagawa nang may pagiging patas, integridad at paggalang sa katotohanan.