Advertisers
Mahalaga ang malinaw, mabilis at tamang impormasyon sa isang pamahalaang nais makasabay sa pangangailangan ng mamamayan.
Kaya naman mahalagang bigyang-pansin ang pagdiriwang ng Communications Month ngayong Oktubre, na kumikilala sa papel ng komunikasyon sa pagpapabatid ng mga polisiya, programa at serbisyo ng gobyerno.
Itinatag ang Communications Month sa ilalim ng Proclamation No. 308 na inilabas noong 2023 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagtakda rin sa Oktubre 11 bilang anibersaryo ng Presidential Communications Office (PCO).
Mahalaga ang PCO, na pinamumunuan ni Sec. Dave Gomez, bilang pangunahing messaging arm ng Executive branch at Office of the President (OP), lalo na sa pag-uugnay ng impormasyon mula sa pamahalaan patungo sa publiko.
Hindi lamang ito tungkol sa pagpapalabas ng balita. Kasama rito ang tungkuling tiyaking nauunawaan ng mga mamamayan ang mga programa, serbisyo at hakbang ng pamahalaan.
Makikita ang kahalagahan nito sa panahon ng mga krisis o banta na direktang nakaaapekto sa buhay ng publiko.
Halimbawa nito ang paghahanda ng pamahalaan sa inaasahang epekto ng Super El Niño, kung saan kailangang maipabatid sa publiko ang mga hakbang tungkol sa tubig, pagkain, agrikultura, kalusugan at iba pang pangunahing pangangailangan.
Ayon sa Malacañang, pinakikilos ni Pangulong Marcos ang mga concerned government agencies at siya ang nangunguna sa mga pagpupulong at nagbibigay ng mga kinakailangang direktiba.
Kabilang sa mga naghahanda ang Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA), Department of Agriculture (DA), National Irrigation Administration (NIA), National Water Resources Board (NWRB), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
May mga inilalaang pondo rin para sa paghahanda at pagtugon sa El Niño, kabilang ang climate information, agriculture and food, irrigation, water supply at social protection.
Ngunit kahit gaano karami ang ginagawang paghahanda ng pamahalaan, magiging limitado ang epekto nito kung hindi makarating nang malinaw sa mga mamamayan ang tamang impormasyon.
Dito mahalaga ang responsableng komunikasyon—impormasyong napapanahon, tama, madaling maunawaan at hindi nagdudulot ng hindi kinakailangang pangamba.
Kasabay nito, mahalaga rin ang pakikilahok ng publiko. Sa usapin ng El Niño, halimbawa, hinikayat ng Malacañang ang mga mamamayan na magtipid sa tubig at makiisa sa mga hakbang ng pamahalaan.
Sa panahon ng mabilis na pagkalat ng impormasyon sa social media, mas nagiging mahalaga ang papel ng mga institusyong may pananagutan sa pagbibigay ng beripikado at malinaw na impormasyon.
Aba’y masasabi nga na sa huli, ang Communications Month ay paalala na ang mahusay na pamamahala ay hindi lamang nasusukat sa mga programa at desisyong ginagawa, kundi pati sa kakayahang maipaliwanag ang mga ito nang maayos sa mga taong direktang maaapektuhan nito.
***
Catch Gilbert Perdez on “TODO BALITA” every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM on DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23, and on “BRGY. 882” from 7:00 AM to 8:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ 882 AM, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and inquiries, you may contact him by email at gil.playwright@gmail.com.