Advertisers
MUKHANG mauulit ang kasaysayan sa buhay ni Atong Ang, ang taong walang ibang alam na negosyo kundi sugal – legal man o iligal.
Oo! Kung inyong natatandaan… si Atong ay nakulong na noon sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil din sa iligal na sugal, kungsaan nag-away sila ng isa ring “gambling lord” na si Chavit Singson, at nadamay ang noo’y Pangulo na si Erap Estrada. Ang tatlong ito ay dabarkads… pero naging magkalaban dahil sa kuwarta.
Ilang buwan o taon din nakulong noon si Atong hanggang sa “maayos” ang kanyang kaso, kungsaan halos namulubi ito nang makalaya.
Pero dahil sa angkin niyang talento sa sugal, nagpalaro ito ng iligal na jai-alai, na kinabaliwan sa “masiao” o bookies sa Visayas at Mindanao. Dito ay muli siyang nagkaroon ng milyones, hanggang sa madiskubre niya ang online sabong na ang tayaan ay via GCash.
Andaming nalulong sa online sabong na ito, andaming naghirap, maraming pamilya ang nasira, may mga nagpakamatay, at hanggang sa pasukin ng mga mandaraya sa sabong. Dito na nangyari ang pagkawala ng mga sabungero, na ayon sa lumantad na saksing si alyas “Totoy” ay umabot sa 100 ang dinukot, pinatay at itinapon sa isang palaisdaan sa Taal Lake sa Batangas.
Pinangalanan ni Totoy sa ekslusibong panayaman sa kanya ni Emil Sumangil ng GMA News ang mga nasa likod ng pagkawala ng naturang nga sabungero. Mastermind daw rito si Atong Ang, ang may-ari ng Manila Arena, isang sikat na cockpit na matatagpuan sa Sta. Ana, Manila kungsaan dinukot ang nawawalang mga sabungero.
Binanggit din ni Totoy ang artistang si Gretchen Barretto, Eric dela Rosa at isang Salazar, na may mga kinalaman din daw sa pagdukot sa naturang mga sabungero.
Si Gretchen ay madalas kasama ni Atong sa sabungan, nagbibitaw pa nga ito ng manok sa ruweda. Kasama raw ito lagi ni Atong sa mga miting ng grupo.
Si Eric dela Rosa ay founder at COO ng Pitmasters Group nila ni Atong.
Ayon kay Totoy, si Eric ang nagmo-monitor kung may nandadaya sa kanilang online sabong, at siyang nagsasabi kay Atong.
Tapos ipapakuha daw ni Atong sa mga pulis ang suspek sa pandaraya sa sabungan, at ipapasa naman sa ibang grupo na silang mag-iimbestiga at totodas sa “mandarayang” sabungero.
Sabi ni Totoy, ang kanyang naging papel sa krimen ay utusan. Siya ang chief security ng agency na may hawak sa mga gamefarm ni Atong at sa mga sabungan.
Kung inyong naaalala, ang anim na naarestong suspek na security guard ng Manila Arena na umano’y dumukot sa mga sabungero ay kaagad noon nakapagpiyansa ng P3 milyon bawat isa.
Mantakin mo sekyu!!! nagkaroon ng instant P3 milyon pangpiyansa ora mismo! Dito ay nagduda na ang marami na multi-milyonaryo nga ang nasa likod nila.
Sa kasong ito, na pinagkakaguluhan na ngayon ng madla, nag-utos na si Pangulong “Bongbong” Marcos na imbestigahan sinoman ang sangkot sa kaso.
Kapag napatunayang si Atong Ang nga ang utak ng pagkawala ng naturang mga sabungero, malamang na muli siyang hihimas ng rehas. Maglalaho uli ang kanyang bilyones na kita sa kanyang pasugal tulad ng nangyari noong mag-away sila nina Chavit at Erap. Oo! posibleng maulit ang kasaysayan ni Atong sa bilangguan. Araguy!!!
***
Nagsampa nitong Huwebes ng mga reklamo si Atong laban kay Totoy.
Pero sagot ni Totoy, para naring kinasuhan ni Atong ang kanyang sarili. Dahil ang lahat daw ay dokumentado. Sinusuhulan nga daw siya ng Atong ng P300 milyon para bawiin ang mga ibinunyag sa media. Pero hindi niya raw ito tinanggap dahil papatayin parin daw siya.
Ito na ang sinasabing ang matalik na kaibigan o dikit na kasama ang pinakamasamang kaaway. Mismo!
Subaybayan!