Advertisers
Sa halip na mapanatili ang sibilisadong eksena sa ginanap na SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE HEARING ay tila naglolokohan na animo’y entablado ng KOMEDYA ang eksenang ipinamalas ni EX-PRESIDENT RODRIGO DUTERTE na sinundan pa ng hagalpakan at pagpapalakpakan ng kaniyang mga tagasuporta.., na isang estratehiyang maibaling sa ibang dimensiyon ang atensiyon ng mga nakapaligid para mapaglaho ang bigat nang pagsisiyasat hinggil sa isyu ng paglabag sa HUMAN RIGHTS partikular na ang EXTRA JUDICIAL KILLINGS (EJK) sa inilunsad na WAR ON DRUGS sa nakaraang administrasyon.
Sa ginanap na pagdinig nitong October 28, 2024 ay respetadong hinarap ng mga MAMBABATAS itong si EX-PRES. DUTERTE at sa kabila ng kaniyang nakagawiang pagmumura at lantarang pag-amin sa pamamaslang gamit ang kaniyang DEATH SQUAD ay tila itinuring na isang pagpapatawang eksena at masigabong pagpapalakpakan ang naging kaganapan.., na tila nagpadagdag insulto pa ang mga ginawang papuri nina SENATOR ROBIN PADILLA at SEN. BONG GO na si DUTERTE raw ang TAGAPAGTANGGOL ng PILIPINAS dahil ang kaniyang mga ginawa ay sakripisyo raw para sa bayan.., na isang matinding sampal para sa mga nagdadalamhating biktima ng karahasang EJK.
Sa kakaunting bilang ng mga SENATOR na naghangad ng wastong pagsisiyasat ay mistulang nawalan ng boses sa gitna ng pag-iral sa tila huwad na prosesong naging kaganapan.., na simula pa lamang ng mga eksena ay kababanaagan na ang pagiging bias o mga pagkiling pabor sa kapakanan ng EX-PRESIDENT.., na tulad nina SEN. BATO DELA ROSA at BONG GO na pangunahing EXECUTIONER sa DUTERTE ADMINISTRATION ay sila pa rin ang umakto at nakihanay sa INVESTIGATORY BODY.
Mga ka-ARYA.., sa larangan ng TRANSPARENCY at INTEGRIDAD sa akto ng INVESTIGATIONS ay kailangan at dapat lamang na ang mga nasasangkot ay mag-inhibit o huwag maging bahagi ng INVESTIGATORY BODY ang tulad nina SEN. GO at SEN. BATO dahil kabilang ang mga ito sa mga inaakusahan sa naging paglulunsad ng EJK.., subalit humilera pa rin ang mga ito bilang mga INVESTIGATOR gayong kabilang sila sa mga inaakusahan kaya ang resulta ay naapektuhan ang INTEGRIDAD ng SENATE HEARING dahil anumang paliwanag ay pagdududahan pa rin ng mamamayan ang naging papel nina SEN. GO at SEN. BATO at damay na rin ang kanilang mga kasamahang SENATOR kung sinsero nga ba ang kanilang pag-uusisa o bahagi ito ng sistematikong madepensahan ang EX-PRESIDENT mula sa panghuhusga ng sambayanan?
Isa sa mga kinakitaan sa katapangan ng pag-uusisa para makalkal ang mga katotohanan sa iniaakusang HUWAD NA WAR ON DRUGS ay tanging si SENATOR RISA HONTIVEROS ang may “BALLS” sa direktang pagpuna upang maging sibilisado at huwag gawing katawatawa o KOMEDYA ang HEARING SESSION lalo na sa mga paulit-ulit na pagkukuwento o pagbibida ng EX-PRESIDENT.., na kaiba sa mga kapuwa SENATOR ni SEN. HONTIVEROS na agarang umaasiste kay DUTERTE sa tuwing nanggagalaite na sa mga pag-uusisa ng LADY SENATOR.
Si DUTERTE na nagsilbing BERDUGO ayon sa EJK VICTIMS ay ginawaran ng SYMPATHY ng mayorya sa INVESTIGATING BODY.., gayong ang matatapang na pagpapahayag ng iba pang RESOURCE PERSON tulad nina ATTY. CHEL DIOKNO; EX-SEN. LEILA DE LIMA; EJK FAMILY VICTIMS; at FR. FLAVIE VILLANUEVA ay hindi man lamang binigyang SYMPATHY ng mayorya sa mga SENADOR kundi pangungutya pa ang isinukli sa kanilang pamimighati
Sa halip na pakinggan ang kanilang mga testimonya ay tinawag silang “NAMUMULITIKA” ng mga KAALYADO NI DUTERTE.., na ang masaklap ay sila pa ang sinisi sa mga trahedyang nagmarka sa kanilang mga buhay at sa bawat batikos sa brutal na liderato ni DUTERTE ay agad binabara ng mga pagdi-depensa ni SEN. BATO kasunod ang pangungutya sa mga naglalakas ng loob sa pagpapahayag laban sa BARBARIKONG DUTERTE ADMINISTRATION.., na maging si SEN. JINGGOY ESTRADA ay tila wala ring pakialam sa kaseryosohan ng pagdinig kundi idinadaan pa sa pagbibiro at tila binabalewala ang mga rebelasyon mula sa iba pang RESOURCE PERSONS.
Sa pagdalo ni EX-PRES. DUTERTE sa SENATE BLUE RIBBON ay masasabing indirektang hindi nito kinikilala ang CONGRESS QUAD COMMITTEE (CQC) HEARING dahil hindi nito sinisipot ang mga imbitasyon sa alibi na wala siyang katiyakang proteksiyon gayundin ang pagdadahilan sa kaniyang edad at kalusugan gayong nagawa naman nitong dumalo sa SENATE BLUE RIBBON HEARING.
Mas pinili nitong magtungo sa SENATE dahil sa proteksiyon ng mga KAALYADO na buong tapang siyang ipinagtanggol at walang habas na nilapastangan ang testimonya ng ibang RESOURCE PERSONS.., na kung sadyang matapang at walang kinatatakutan ang BAD MOUTHING EX-PRESIDENT DUTERTE ay marapat lamang na harapin nito ang CQC HEARING na komiteng nagtutuon sa paghalungkat ng mga katotohanan.., subalit mas pinili nitong magkubli sa entablado ng kaniyang mga kaalyado bilang pagtitiyak na maalpasan nito ang mga iniaakusang krimen laban sa kaniyang naging liderato sa ating bansa!
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.comp para sa inyo pong mga panig.