Advertisers
Sino pa nga ba ang magtutulungan? Siyempre, tayong mga Filipino pa rin – batid naman natin na noon pa man ay kakaiba ang Pinoy. Nananatili pa rin sa puso natin ang ‘bayanihan’ lalo na sa panahon ng kagipitan.
Nitong nakaraang linggo, hindi lingid sa atin kaalaman ang pinsalang idinulot ng bagyong ‘Kristine’ partikular na sa Kabikulan – ang numero uno binayo ng bagyo. Marami ang nawalan ng tahanan, pagkakakitaan sa agrikultura, at ang masakit ay may mga nawalan ng mahal sa buhay.
Maraming grupo – NGOs, pribadong kompanya at indibiduwal ang kumikilos at nagpapadala ng tulong sa mga nasalanta – pera, bigas, bottled water, delata, noodles, damit, toiletries at iba pa.
Ngayon, matapos na mapagkasunduan ng mga lider ng Quezon City government sa pamamagitan ng inaprubahan resolusyon ng Konseho, magpapadala ng tulong pinansyal ang pamahalaang lungsod.
Magbibigay ng P10 million financial assistance ang Kyusi sa siyam na local government units (LGUs) sa Bicol region na matinding sinalanta ni “Kristine.”
Sa inilabas na Resolution No. SP-9833 ng Quezon City Council sa pangunguna ni Vice Mayor Gian Sotto sa ginanap na special session nitong Oktubre 29, 2024, nakasaad dito ang pagpapahintulot kay Mayor Joy Belmonte sa pagbibigay ng tulong pinansyal sa siyam na LGUs sa Bicol.
Pitong LGUs sa Camarines Sur ang makakatanggap ng may sumatotal na P8 million, habang P2 milyon naman sa Iriga City. Makakatanggap naman P1 milion ay ang bayan ng Bato, Nabua, Bula, Buhi, Pili, at Tinambac.
Sa lalawigan ng Albay, ang bayan ng Libon at Guinobatan ay makatatanggap ng tig-P1 million.
Ayon kay Mayor Belmonte, ang mga piling lugar na bibigyang tulong ay base sa rekomendasyon ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council base sa Resolution No. 8, S-2024.
“Ito’y bahagi ng aming tungkulin na tulungan ang aming kapwa lokal na pamahalaan para sila’y makabangon mula sa epekto ng kalamidad,” saad ni Belmonte.
“Nagpapasalamat tayo sa ating Quezon City Council, sa pangunguna ni Vice Mayor Gian Sotto, at sa ating mga konsehal sa pagkilos na ito. Umaasa tayo na malayo ang mararating ng tulong na ito para sa mga taga-Bicol,” dagdag ng Alkalde.
Ang tulong pinansyal ay mula sa Quezon City’s accumulated Local Disaster Risk Reduction and Management (LRDDM) Trust Fund.
Pusong Pinoy nga naman talaga, makabayan talaga. Salamat Quezon City government sa pangunguna ni Mayor Joy, City Council sa ilalim ni Vice Mayor Sotto sampu ng kanyang Konsehal na nag-abruba sa resolusyon para sa pagbigay tulong sa mga nasalanta ng bagyong Kristine.
To God be the glory…