Advertisers
NAPIGILAN ang pag-atake ng mga teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) nitong Miyerkules ng gabi sa Shariff Aguak, Maguindanao dahil apat na tangke ng militar ang sumalubong sa attackers.
Ayon kay 6th ID spokesperson Lt. Col. Anhouvic Atilano, target ng teroristang grupo ang patrol base ng 1st Mechanized Battalion ng Philippine Army sa Barangay Labo-labo, Shariff Aguak.
Pero dahil sa intelligence report na nakuha ng militar hinggil sa planong pagsalakay, agad sinalubong ng isang kompanya mula sa 11th Mechanized Company gamit ang 2 V-150 armored carriers at 2 Simba tanks, dahilan para umatras ang mga terorista.
Naniniwala ang militar na wala nang kakayahan maglunsad ng malawakang pag-atake ang mga terorista sa Central Mindanao. Ito ay dahil sa pinalakas pa ng Philippine Army 6th Infantry Division ang kanilang military presense at interdiction laban sa BIFF at Dawlah Islamiyah terrorists para mapigilan ang planong pag-atake.
Sinabi ni Atilano, in-placed ang kanilang mga tropa maging ang kanilang military capabilities na tutugon at reresponde sakaling tangkain ng mga teroristang salakayin ang isang lugar.
Sinisiguro rin ng militar na hindi makakapag-regroup o makapag-reinforce ang iba pang grupo sa mga attackers.
Sa report ng AFP, mahigit 100 na lamang ang mga local terrorist group na nag-o-operate sa lugar.