Advertisers
INARESTO ng pulisya ang isang aktibista at trade union organizer sa Quezon City nitong Huwebes.
Kinilala ang dinakip na si Dennisse Velasco dahil sa umano’y iligal na pagmamay-ari ng mga baril at pampasabog.
Sa bisa ng search warrant, ni-raid ng mga tauhan ng Quezon City Police ang bahay ni Velasco sa may Lagro, Huwebes ng madaling araw, kasabay ng pagdiriwang ng Human Rights Day.
Nakuha kay Velasco, 43, miyembro ng Defend Jobs Philippines, ang umano’y sari-saring pampasabog, live ammunitions, at baril, ayon sa pulisya.
Pero iginiit ng kampo ni Velasco na nagtanim lang ng mga pekeng ebidensiya ang mga awtoridad para mahuli ang aktibista.
Ayon sa misis ni Velasco na si Diane Zapata, tila may “template” na ang mga pulis sa paghuli sa mga aktibista kamakailan, kungsaan karamihan ay sinasabing nagtatago umano ng mga armas o pampasabog.
Balak ng kampo ni Velasco na kasuhan ang iba’t ibang unit ng pulisya na pumunta sa kanilang bahay, kabilang ang ‘planting of evidence’.
Binatikos ng grupong Defend Jobs Philippines ang paghuli kay Velasco, lalo’t isinabay pa ito sa Human Rights Day.
Aktibo si Velasco sa mga kampanya laban sa kontraktuwalisasyon at labor dispute ng mga manggagawa laban sa mga kompanya tulad ng PLDT at Jollibee Foods Corp., ayon sa Defend Jobs.
Kamakailan, inaresto rin ng mga awtoridad si Amanda Echanis, anak ng pinaslang na Anakpawis leader na si Randy Echanis, dahil din umano sa iligal na pagmamay-ari ng mga armas at pampasabog.