Advertisers
NILINAW nitong Huwebes ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi makikipagtulungan ang Pilipinas sa anumang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa kampanya ng iligal na droga ng nakaraang administrasyon kahit na pinahihintulutan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagpahayag ang Punong Ehekutibo sa sideline ng pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda sa Cavite nang humingi ng komento sa dapat na pagsisiyasat ng ICC sa madugong drug war ni Duterte.
Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na iniimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang anti-drug campaign ng dating administrasyon.
Nang tanungin kung nagbago ang posisyon ng Pilipinas sa imbestigasyon ng ICC, nanindigan si Pangulong Marcos na hindi makikipagtulungan ang Pilipinas sa anumang imbestigasyon ng international court. Gayunman, sinabi ng Pangulo na tutuparin ng Pilipinas ang mga obligasyon nito sa Interpol. (Vanz Fernandez)