Advertisers
ISINIWALAT ng apat na media practitioners ang umano’y pangha-harass na ginawa sa kanila ni Bongabong, Oriental Mindoro mayor Elegio Malaluan nang i-cover nila ang isang bidding process sa bayan.
Ayon sa sinumpaang salaysay ng media practitioners na sina Jonathan Apostol Atuel Sr., Ire Joe Vicente Laurente, Roberto Evora at Reynaldo Jandusay, dumalo sila sa isang bidding na ginanap sa municipal hall complex ng bayan para sa implementasyon ng farm to market road sa Sitio Centro hanggang Sitio Balete upang masiguro ang regularidad nito.
Nang makapasok na sila sa munisipyo ay nakita sila ng alkalde na may mga hawak na cellphone at pilit itong inaagaw.
Dahil dito’y napilitan daw si Jandusay na magpakilalang taga-media sila, at andun sila para i-cover ang mga kahanapan sa bidding.
Pilit daw silang pinapasok ng alkalde sa kanyang opisina at hindi na sila nakapalag dahil dalawang guwardiya nito ang nasa likuran nila.
Sinabihan daw sila ni Mayor Malaluan na bawal kumuha ng litrato at video sapagkat baka mabigla siya at masuntok sila, at kukuyugin ng mga tao ni mayor.
Bago magsimula ang bidding ng 9:00 ng umaga ay nakalabas ng opisina ng alkalde sina Atuel at Laurente ngunit bigo sina Evora at Jandusay dahil napigilan sila ng mga guwardiya ng mayor.
Isiniwalat nina Atuel at Laurente ang nasaksihan sa bidding kungsaan pinatay daw ang projector nang babasahin na ang halaga ng iba’t ibang bids.
Wala rin daw naging aksiyon hinggil dito ang representante mula sa PRDP na si Christian Vargas.
Dismayado lumabas ng conference hall sina Atuel at Laurente, kungsaan hinarang sila ng isang guwardiya ni Mayor Malaluan na may kasamang tatlong lalaki, isa ang nakauniporme ng pulis.
Noong panahon na ‘yun ay hindi raw alam nina Atuel at Laurente kung nasaan ang dalawa nilang kasama na sina Evora at Jandusay.
Nagdahilan nalang daw sila na tatawagan nila ang dalawang kasama at naglakad na palayo sa munisipyo.
Laking gulat daw nila nang pasakay na sila ng tricycle sa tapat ng Land Bank ay hinabol at sinugod pa sila ng alkalde.
Pumasok daw ang mayor sa First Microbank kungsaan pinilit umano si Atuel na ipakita ang laman ng kanyang cellphone. Dahil sa takot ay napilitan siyang gawin ito.