Advertisers
NASAWI ang 25-anyos na dalagang guro nang pagsasaksakin at iniwan sa kalsada ng boyfriend, na dati na rin pumatay ng estudyanteng nobya, sa Purok 7, Barangay Sta. Misericordia, Sto, Domingo, Albay.
Kinilala ang biktima na si alyas “Daria”, guro ng Bonga National High School at residente ng Brgy. Bonga, Bacacay, Albay.
Sa ulat, rumesonde ang mga pulis nang may mag-report na may natagpuang bangkay ng babae sa kalsada 12:15 ng tanghali.
Noong una ay blangko ang Sto. Domingo Police sa pagkakakilanlan ng salarin, pero sa kanilang isinagawang backtracking at pagkuha ng kopya ng CCTV footages, positibong natukoy ang salarin.
Sa CCTV, nakitang angkas sa motorsiklo ang guro ng isang lalaki na kalaunan ay nakilalang si Ryan Caturza Carale, 28, ng Aguinaldo St., Brgy.10, Bacacay.
Nabatid na isang buwan palang na kasintahan ng biktima si Carale.
Nakakuha pa ng kopya ng CCTV ang mga imbestigador at lumabas na 10:00 ng umaga bago ang krimen ay sinundo ng alarin ang guro, at 12:15 ng hapon ay nakita nang patay sa daan ang biktima.
Nang mapanood ang CCTV, 9:20 ng gabi, sinalakay ng mga pulis ang bahay ng salarin at agad itong inaresto.
Nakitaan ang salarin ng mga sugat sa kamay, tanda ng panlalaban ng nobyang guro habang sinasaksak. Maging ang motorsiklong ginamit ng salarin sa pagsundo sa biktima ay nakitaan din ng mga tilamsik ng dugo.