Advertisers
INIHAYAG ni Vice President Sara Duterte na kasalukuyang pinaghahandaan na umano nila ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagharap sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa madugong war on drugs ng Duterte administration.
Sinabi ito ni VP Sara sa isang panayam sa kaniya bagama’t hindi pa umano siya kasama sa complaint o imbestigasyon ng permanent international tribunal.
Subalit inamin naman ni VP Sara na dapat na paghandaan ng mabuti ng kaniyang ama na si dating Pangulong Duterte ang imbestigasyon ng ICC dahil siya ang iniimbestigahan.
Magugunita na una ng sinabi ng dating Pangulo sa ika-11 pagdinig ng House Quad Committee noong Miyerkules na handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC at hinamon din na paspasan ang pag-iimbestiga. Sa panig naman ng Marcos administration, hindi umano nila pipigilan ang dating pangulo subalit nanindigan ang gobyerno ng Pilipinas sa posisyon nito na hindi ito makikipagtulungan sa ICC dahil kumalas na ang bansa noong 2019.