Advertisers

Advertisers

Pagpapaliban sa 2025 BARMM elections, pinag-aaralan pa — PBBM

0 13

Advertisers

PINAG-AARALAN ng pamahalaan ang posibilidad ng pagpapaliban sa 2025 Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections.

Sa isang ambush interview sa Lingayen, Pangasinan, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mayroong malalaking implikasyon ang naging hatol ng Supreme Court (SC) na naghihiwalay sa probinsya ng Sulu mula sa BARMM.

Paliwanag ni PBBM, kabilang sa mga hamon na dulot nito ang mga distritong nawalan ng kinatawan sa Kongreso, mga lugar na wala nang kaukulang probinsya, at mga bayan na wala ring distrito o lalawigan na kinabibilangan.



Bunga nito, sinabi ng Pangulo na kinakailangang amyendahan ang umiiral na batas upang tugunan ang mga pagbabago.

Aniya, ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) ay kailangang magtrabaho sa pagbabalangkas ng bagong sistema para sa administrative code, local government code, at electoral code ng rehiyon.

Bagama’t nais ng Presidente na maisabay ang BARMM elections sa 2025 midterm elections, binigyang-diin niya na kung hindi ito magiging praktikal, mas mainam na tiyakin muna ang kaayusan at maayos na proseso.

Ipinunto niya na ang pagmamadali ay maaaring magdulot lamang ng kaguluhan sa rehiyon.

Subalit sa kabila ng mga hamon, nananatili aniyang nakatuon ang administrasyon sa pagtitiyak na magiging makatarungan, maayos, at kapaki-pakinabang ang anumang desisyon para sa kapakanan ng mga mamamayan. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)