Advertisers
Itinaas na sa Task Force Bravo ang alarma sa naging patuloy na paglaki ng sunog sa Purok 2 sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng umaga.
Sa pinakahuling update ng Bureau of Fire Protection-Manila, nagtulong-tulong na ang mga fire fighters, fire volunteers mula sa iba’t-ibang lugar sa lawak na ng naapektuhang mga kabahayan na tinutupok ng malaking apoy.
Nagsimula ang sunog 8:00 ng umaga kung saan nasa 31 fire truck na ang patuloy na nag-aapula sa sunog.
At mayroon rin fire boat na pinakilos para tumulong sa lumalaking sunog.
Tumulong rin ang air asset ng PAF 205th Tactical helicopter sa pagbagsak ng tubig na kinukuha sa Manila Bay.
Tuloy-tuloy din ang pagdating ng mga bumbero habang mayroon na rin mga ambulansya na nakaantabay sa lugar.
Hindi pa batid ang sanhi ng sunog, kung ilang kabahayan ang natupok ng apoy at ilang pamilya ang naapektuhan.
Habang isinusulat ang balitang ito nagpapatuloy pa ang malawakang sunog.(Jocelyn Domenden)