Advertisers
NAITALA ang pagkamatay ng 70-anyos na lalaki sa Central Luzon na unang kaso ng pagkamatay na may kaugnayan sa paputok mula Disyembre 22, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Sabado.
Ayon sa DOH, sa isang panayam, aktibong nagsisindi ang lalaki ng paputok na ‘Sinturon ni Hudas’, uri ng paputok na gumagawa ng maraming pagsabog at itinuturing na ilegal ayon sa batas.
Dinala ang matandang lalaki sa ospital Disyembre 22 at pumanaw nitong Biyernes, Disyembre 27.
Nagbigay muli ng babala ang DOH sa publiko tungkol sa dalang panganib ng mga paputok, legal man o hindi. Hinihimok din na gumamit ng ibang alternatibo sa paggawa ng ingay sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Samantala, umabot na sa 125 kaso ng firework-related injury ang naitatala ng DOH hanggang 6:00 ng umaga ng Sabado, Disyembre 28. (Jocelyn Domenden)