Tambak na basura noong holidays, inabandona ng dating contractor
Advertisers
ANG nakaraang Kapaskuhan at Bagong Taon ay nagbunga ng 400 percent pagtaas sa volume ng basura sa Maynila, at higit pa itong pinalala ng dating contractor ng basura nang abandonahin nito ang obligasyong maghakot ng basura para sa maayos na transisyon ng paghalili ng bagong contractor.
“Ang kapabayaan ng nakaraang garbage collector ay aayusin natin kung kaya’t dalawa na po ngayon ang humahakot ng basura sa lungsod–ang Metrowaste at PhilEco, na ating inatasang linisin ang mga kalsada 24 oras araw-araw,” sabi ni Mayor Honey Lacuna, kasabay ng kanyang pahayag na pananagutin ang Leonel Waste Management Corporation at iba pang mga responsable sa ‘di paghahakot ng basura sa kabila na mayroon pa itong obligasyon sa ilalim ng kanilang kontrata sa lungsod. Ang Leonel ay kinuhang contractor ng basura noong panahon ng dating administrasyon ni Isko Moreno.
“Ang nagdaang Pasko at Bagong Taon ay nagdulot ng 400% na pagtaas ng basura sa Maynila na tila iniwanan na lamang bigla ng dating contractor, ang Leonel. Dahil po dito, mariin kong iniutos ngayon sa ating mga bagong collectors ang tuloy-tuloy na paghakot ng basura—24/7 kung kinakailangan. Maglalagay rin po ang ating Department of Public Services at Task Force Against Road Obstruction ng hotlines para sa mga reklamo habang nasa transition period pa tayo,” pahayag ng lady mayor .
Binigyang diin din ni Lacuna na: “Makakaasa po kayong hindi ko palalampasin ang pananabotaheng ito at mananagot ang sinumang sangkot dito.”
Kaugnay nito, sinabi ni Lacuna na ang Department of Public Services and Task Force Against Road Obstruction ay mayroong hotlines upang matawagan ng mga residente kung saan maire,-report ang mga ‘di nakolektang basura.
Nabatid na ang bagong contractor na responsable sa Districts 4, 5, at 6, ay iniulat sa city hall na noong December 31, ay nag-deployed sila ng limang trak ng basura sa Altura Market, Trabaho Market, Paco Market, Dagonoy Market at pangunahing lansangan tulad ng Lacson Avenue, Espana Boulevard, Magsaysay Blvd, at Old Sta. Mesa.
Ang mga nasabing trak ay nakagawa ng limang balik upang hakutin ang mga basura pero naging mabagal ang kanilang biyahe dahil sa masinop na mga kalye dahil puno ito ng mga vendors at scavengers at kinakailangan pa nilang humingi ng tulong sa city hall para sa clearing ng mga kalye papunta at pabalik sa mga public markets at mga nakapalibot na lugar.
Sa iba pang pangyayari, pinasalamatan ni Lacuna si President Ferdinand R. Marcos, Jr. sa pagdeklara nito ng January 9, 2025 bilang special non-working holiday. Inaasahan na da nasabing petsa ay milyun-milyon ang dadalo sa ‘Traslacion,’ na isang tradisyunal na prusisyin bilang pinakatampok sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno.
“On behalf of all Manileños, especially all the Hesus Nazareno devotees, we thank President Marcos, Jr. for the said presidential proclamation, as this would enable devotees to participate in the festivities,” saad ni Lacuna.
“Those who are not devotees can choose to take the rest day. Others can choose to report for work while also gaining the additional holiday pay rate. We urge everyone to help us ensure public safety, keep traffic flowing and share goodwill with others. I thank the Quiapo Church and Manila Archdiocese for the changes meant to make the festivities safe,” dagdag ng alkalde. (ANDI GARCIA)