Advertisers

Advertisers

SINDIKATONG BURIKI PASOK SA MGA KASONG MURDER!

0 1,069

Advertisers

NANATILING “unsolved” ang mga serye ng pamamaslang na kinasasangkutan ng sindikatong paihi/buriki sa Batangas City, at pinangangambahan pang madadagdagan ang mga inosenteng biktimang ito kung patuloy na magbubulag-bulagan ang Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) pati na Criminal Investigation Division and Detection Group (CIDG) sa mala-mafia na operasyon ng naturang crime group sa lungsod.

Sa maraming insidente ng pagpatay, na kinasasangkutan ng sindikato ng paihi/buriki, ay limang kaso ng murder ang kinumpirma ng isang police intelligence officer na kagagawan ng naturang grupo. Ito ay ang pagkidnap at pagpatay sa isang police sergeant na miyembro ng Batangas City Police maraming taon na ang nakaraan.

Napag-initan ang biktima nang pigilan nito ang mga miyembro ng sindikato sa kanilang pagpapatulo ng petroleum products sa Barangay Simlong kungsaan nakumpiska nito ang may 20 drums ng nakaw na krudo.



Pero sa halip na bigyan ng karampatang komendasyon at parangal ay “itinapon” ang pulis sa malayong bayan. At dalawang araw pa lamang habang lulan ito ng kanyang motorsiklo pauwi sa Batangas City ay binangga ang sinasakyan nitong motorbike.

Tumilapon mula sa kanyang sasakyan ang naturang pulis, at habang nakabulagta ay binuhat ito at puwersahang isinakay ng mga salarin kabilang ang driver ng van na bumangga sa biktima. Simula noon ay hindi na nakita pa ang biktima hanggang sa ideklara ng hukuman na “presumed dead” na ito.

Ang iba pang biktima ay isang prominenteng negosyante ng naturang lungsod na napagdiskitahan ng sindikato sa pag-aakalang karibal ito sa kanilang ilegal na negosyo, na pinatay sa gasoline station na pag-aari nito sa nabanggit ding siyudad noong 2017.

Isang tama ng sniper rifle ang tumama sa katawan ng biktima at namatay matapos na operahan sa isang pribadong ospital sa siyudad.

Ang ikatlong biktima ng pamamaslang ay ang bodyguard ng nilikidang negosyante, na tinodas din ng paihi/buriki group na may kasama pang ilang hinihinalang police operatives noong 2018.



Nasundan pa ang paglikida sa isang hepe ng barangay tanod sa Brgy. Wawa, na napag-initan ng sindikato dahil pinagbabawalan nitong dumaan sa kanilang barangay road ang tanker at capsule truck na naglululan ng ninakaw na produkto.

Ang isa pang biktima, na hepe din ng barangay tanod sa Brgy. Cuta, ay inutas ilang buwan ang nakaraan sa harap mismo ng kanyang tirahan ng pinaniniwalaang hitman ng sindikato. Nagalit ang sindikato sa biktima sa pag-aakala na nagmamantine ito ng isang kuta ng paihi/buriki sa Brgy. Sampaga ng nasabing siyudad.

Dalawang grupo ng sindikato ang itinuturing na “sacred cow” pagkat hindi matinag ng Batangas PNP Provincial Office, Batangas City Police, NBI, CIDG Regional Field Unit, at Batangas CIDG Provincial Office.

Ang mga ito rin ay iniuulat na may kinalaman sa malaganap na patayan sa naturang siyudad kasabwat ang sindikatong gun for hire na nakabase sa mga siyudad ng Tanauan, mga bayan ng Padre Garcia at Rosario. Sangkot din sa bentahan ng droga partikular shabu ang naturang sindikato.

Kinilala ang mga ito na sindikatong pinamumunuan ni “Rico Mendoza”, “Etring Payat” at “Efren” na may dalawang malaki at ‘di matinag-tinag na kutang paihi/buriki sa Brgy. Banaba West Bypass Road malapit sa Integrated School, kahilira ng UC gasoline station.

Ang ikalawang kuta ng mga ito ay nasa Brgy. Banaba South sa tapat ng Toyota Cars Parking Area na siyang paradahan ng mga hinahakot na imported Toyota vehicles mula sa mga barkong dumadaong sa Batangas City Pier na nagbubuhat sa Japan.

Ang isa pang kuta ay ang pinatatakbo ng milyonaryong si alyas “Balita” sa isang private beach resort sa Brgy. Simlong ng nasabing lungsod. Mahigit sa 40 taon o higit 4 dekadang nang nag-ooperate ng paihi/buriki at illegal business na ito ni Balita, negosyong minana pa niya sa kanyang ama. Ngunit dahil sa proteksyon dito ng ilang opisyal ng pulisya, NBI, CIDG at malalaking pulitiko ay ‘di maipatigil, maaresto o makasuhan ito ng mga awtoridad.

Kaugnay nito ay nanawagan ang grupo ng anti-crime and vice crusaders kina CIDG Director, Major General Nicolas Torre III; at PNP Region 4A PNP Director, Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas; at NBI Director, retired Judge Jaime Santiago, na pakilusin ang kanilang mga opisyales sa rehiyon at sa lalawigan ng Batangas upang lansagin ang sindikato nina Rico Mendoza, Etring Payat, Efren at Balita. (CRIS A. IBON)