Advertisers

Advertisers

Rufa Mae Quinto sumuko sa NBI

0 62

Advertisers

SUMUKO ang actress/comedian na si Rufa Mae Quinto nitong Miyerkules, Enero 8, 2025, sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y paglabag niya sa Securities Regulation Code kasunod ng isang warrant of arrest na inisyu ng korte sa Pasay City.

Si Quinto, na sinamahan ng kanyang pamilya pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sakay ng PR flight 105 mula sa San Francisco, California, ay dumiretso sa NBI office para sa boluntaryong pagsuko.

Ayon kay NBI Director, ret. Judge Jimmy Santiago, ang aktres ay sumailalim sa physical at medical examinations bago siya iniharap sa Pasay court, ang naglabas ng warrant of arrest laban sa aktres para sa 14 bilang ng paglabag sa Section 8 ng Securities Regulation Code.

Nauna nang sinabi ng abogadong si Mary Louise Reyes, legal counsel ni Quinto, na magpiyansa ang aktres.

Haharapin aniya ni Quinto ang lahat ng alegasyon laban sa kanya, na may kinalaman sa isyu ng Dermacare-Beyond Skin Care Solutions na nagdawit din sa aktres-entrepreneur na si Neri Naig.

Parehong nanindigan sina Naig at Quinto na nagsilbi lamang silang modelo/endorser ng kumpanya.

Noong Setyembre 2023, naglabas ng advisory ang Securities and Exchange Commission (SEC) tungkol sa nasabing firm, na nagsasabing hindi ito awtorisadong mag-solicit ng investments dahil hindi ito rehistrado at walang lisensya para magbenta ng mga securities.

Sinabi ng SEC na ang Dermacare ay nakarehistro lamang upang magbigay ng mga serbisyo sa pangangalaga sa balat. Ang pagpaparehistro ng Dermacare ay binawi Nobyembre 2023.

Naaresto si Naig Nobyembre 23, 2024 dahil sa umano’y syndicated estafa at mga paglabag sa Securities Regulation Code. Pinalaya siya pagkatapos ng ilang linggo.(JOJO SADIWA)