Advertisers
ANG person of interest sa pagpaslang sa Southeast Asian Games (SEA) gold medalist na si Mervin Guarte sa Oriental Mindoro ay natukoy na, ayon sa Calapan City Police Station nitong Miyerkoles.
“Based po sa ginawa naming follow-up investigation at pag-review ng CCTV doon sa area, may na-identify po kami na person of interest,” sabi ni Calapan City Police chief Lieutenant Colonel Roden Fulache.
Sinabi ni Fulache na tinitignan nilang motibo sa pagpatay ang dating personal na alitan.
“Ang nakikita po namin baka may matagal nang kinikimkim na galit itong suspek. Siguro, tinaymingan kaya nang makakita siya ng pagkakataon doon niya ginawa yung krimen,” anang opisyal.
Hinahanap pa ng pulisya ang salarin, at nangangalap pa ng ebidensiya para masampahan ito ng kaso.
Si Guarte ay sinaksak habang natutulog bandang 4:30 ng umaga ng Martes.
Sa ulat ng Oriental Mindoro Provincial Police Office, ang 32-anyos na atleta ay natutulog noon sa bahay ng isang barangay kagawad nang patayin.
Ayon sa pulisya, nagawa pang humingi ng tulong ni Guarte at nadala ito sa ospital kungsaan siya binawain ng buhay.
Si Guarte ay gold medalist sa 32nd SEA Games sa Cambodia noong 2023, naging bahagi ng four-man team na nakakuha ng titulo sa men’s team relay ng karera.
Nakakuha rin siya ng gold medal sa 2019 SEA Games sa men’s 5km ng OCR.
Nanalo si Guarte ng 2 silver medals sa 2011 edition, pumangalawa sa 800m at 1500m track events.
Naging bahagi siya ng national record holder ng 4x800m relay team, may oras na 7:42.20 sa Vietnam Open, July 2014.
Si Guarte ay miembro rin ng Philippine Air Force (PAF) at nakatalaga sa Lipa, Batangas.(RONALD BULA)